Pormal nang nagsampa ng dalawang count ng cyberlibel si ports and casino tycoon Enrique Razon laban kay suspended Cavite Representative Francisco Barzaga nitong Miyerkules sa Makati City Prosecutor’s Office.
Ang reklamo ay nag-ugat sa naging Facebook post ni Barzaga noong Enero 9 kung saan tinagurian niya si Razon na “mastermind behind the corruption in Congress.” Ayon kay Barzaga, sinuhulan umano ni Razon ang mga miyembro ng National Unity Party (NUP) upang manatiling Speaker si Rep. Martin Romualdez.
Humihingi si Razon ng P100 milyon para sa moral damages at P10 milyon para sa exemplary damages. Ayon sa kampo ng bilyonaryo, nagdulot ang post ng matinding pinsala sa kanyang reputasyon at “emotional distress,” lalo na’t nakita ito ng libu-libong tao at mga kasamahan sa negosyo bago pa ito binura.
“Ang mga alegasyon ay sadyang kasinungalingan o ginawa nang may kawalang-ingat sa katotohanan,” pahayag ni Razon. Idiniin din niya na walang dahilan para manuhol dahil tumakbong “unopposed” si Romualdez at nakakuha ng supermajority para sa 2025 speakership race.
Nagpahayag din ng pagkondena ang NUP, ang ikalawang pinakamalaking partido sa Kamara. Ayon kay House Deputy Speaker Ronaldo Puno, “defies logic” o walang lohika ang bintang ni Barzaga dahil wala namang kalaban si Romualdez sa pagka-Speaker.
Pinag-aaralan na rin ng NUP ang pagsasampa ng kaukulang legal na aksyon laban kay Barzaga dahil sa pagdawit sa pangalan ng partido sa mga “baseless and malicious” na akusasyon.
Kasalukuyang nagsisilbi ng 60-araw na suspensyon si Barzaga na ipinataw noong Disyembre 1 matapos ireklamo ng NUP sa House Ethics Committee dahil sa paglabag sa code of conduct ng Kamara, kabilang ang pag-post ng mga malalaswang larawan at panunuya sa mga pumanaw na kasamahan sa serbisyo gaya nina Rep. Romeo Acop at DPWH Usec. Catalina Cabral.
Dahil sa mga panibagong banat ni Barzaga sa social media habang suspindido, hiniling ng NUP sa House Ethics Committee na suriin kung karapat-dapat pa itong pabalikin sa Kamara kapag natapos ang kanyang suspensyon sa susunod na buwan.
