Tila de-ja vu ang nararamdaman ng publiko sa muling paglabas ng warrant of arrest laban sa kilalang gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang.
Sa pagkakataong kasing ito, mga ka-Berdugo, hindi lamang usapin ng sugal o bribery ang nakataya, kundi ang buhay ng mga nawawalang “sabungero” na hanggang ngayon ay nagsisilbing malaking lamat sa sistema ng hustisya sa bansa.
Matatandaang Enero 13, naglabas ang RTC Branch 26 ng Sta. Cruz, Laguna ng warrant para sa kasong kidnapping with homicide.
Ang masaklap?
Ang kasong ito ay non-bailable. Ibig sabihin, kung mahuhuli o susuko si Ang, walang halaga ng pera ang makakapagpiyansa sa kanya para pansamantalang makalaya.
Kapansin-pansin sa ulat ng CIDG na sa labing-walong (18) akusado, tanging si Atong Ang na lamang ang nananatiling malaya. Habang ang labimpito niyang kasama ay nasa kustodiya na ng mga pulis, si Ang ay kasalukuyang paksa ng isang manhunt operation. Nagbibigay ito ng impresyon sa publiko: Madali bang magtago kapag ikaw ay maimpluwensya at makapangyarihan?
Hindi na bago kay Ang ang maghimas-rehas. Noong 2007, naharap siya sa Sandiganbayan sa kasong korapsyon at indirect bribery. Bagaman nasentensyahan ng anim na taon, dalawang buwan lamang siyang nanatili sa piitan matapos maaprubahan ang kanyang probasyon.
Pero mga ka-Berdugo, ibang usapan kung pag-uusapan ang mga nawawalang sabungero. Dugo at buhay ang nawala rito. Tsk!
Ang bawat araw na lumilipas na nananatiling “at large” ang pangunahing akusado ay dagdag na pasakit sa mga pamilyang naghihintay ng kasagutan.
Isang magandang hakbang ang direktiba ni Judge Mary Jean Cajandab-Ongalso na obligahin ang mga pulis na gumamit ng body-worn cameras sa paghuli kay Ang. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang anumang “hocus-pocus” o espesyal na trato sa pag-aresto. Sa ilalim ng batas, dapat ay walang “big fish” o “small fish”—lahat ay dapat pantay-pantay sa harap ng warrant.
Ang muling “homecoming” ni Atong Ang sa sistema ng hustisya ay isang malaking pagsubok para sa administrasyon. Ito na ba ang simula ng pagwawakas ng misteryo ng mga nawawalang sabungero? O ito ay magiging isa na namang kabanata ng mabilisang paglaya para sa mga may kakayahang kumuha ng pinakamagagaling na abogado?
Nasaan na ba ang mga nawawalang sabungero? At sino ang dapat managot sa kanilang pagkawala? Hangga’t hindi nahuhuli ang huling taong nasa listahan, ang hustisya ay mananatiling mailap gaya ng mailap na tycoons na ayaw sumuko.
***
Para sa inyong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
