Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang isang masusing imbestigasyon kaugnay ng mga ulat ng umano’y pagmamalupit sa mga hayop sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).
Binigyang-diin ni Catapang ang “zero-tolerance policy” ng kawanihan laban sa anumang anyo ng kalupitan.
“Hindi namin hahayaang mangyari ito sa aming mga pasilidad,” aniya.
Ayon sa hepe, mahalaga ang kapakanan ng mga hayop dahil nagsisilbi itong katuwang at nagbibigay-aliw sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), lalo na sa mga wala nang dumadalaw na pamilya.
Bagama’t may mga ulat ng reklamo hinggil sa kalmot at kagat ng pusa sa loob ng piitan, tiniyak ni Catapang na maayos ang koordinasyon ng BuCor sa Lokal na Pamahalaan ng Muntinlupa at sa Biyaya Foundation.
Layunin ng partnership na ito ang pagsasagawa ng mass vaccination para sa mga ligaw na pusa, pagpapatupad ng castration (kapon) upang makontrol ang populasyon ng mga hayop at masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga PDL at mismong mga hayop.
Sa isang panayam sa telebisyon, kinumpirma ni Biyaya Foundation CEO at Co-Founder Rina Ortiz na tatlong taon na silang katuwang ng BuCor.
Ayon kay Ortiz, base sa kanilang regular na pagbisita sa NBP, wala silang nakikitang mga hayop na payat o may sakit.
“Nag on-ground at on-spot kami diyan sa NBP at wala naman kaming nakikitang payat o may sakit na animal, so I’m not sure what it’s all about,” pahayag ni Ortiz. Hinamon din niya ang mga nagrereklamo na magsumite ng ebidensya upang agad itong matugunan.
Sa kabilang banda, ipinahayag ni Catapang na bukas ang BuCor sa panukala ni Heidi Marquez-Caguioa, Presidente ng Animal Kingdom Foundation, na isama ang “animal-assisted program” sa rehabilitation framework ng mga PDL.
Ang panukalang ito ay kasunod ng mga ulat na natanggap ng kanilang organisasyon ukol sa umano’y maltreatment ng mga pusa sa loob ng pasilidad. Tiniyak ng BuCor na pag-aaralan ang proyektong ito upang mas mapataas ang antas ng makataong pagtrato sa loob ng piitan.
“Ang layunin natin ay isang humane atmosphere kung saan ang disiplina at pagkalinga—maging sa hayop man—ay nagiging bahagi ng pagbabago ng ating mga PDL,” pagtatapos ni Catapang. (MINA PADERNA)
