Tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Martes na hindi magpapatumpik-tumpik ang Senado sa sandaling makatanggap sila ng anumang reklamo ng impeachment laban sa dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.
Sa gitna ng mga ugong na kapwa mahaharap sa impeachment complaints sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte ngayong taon, nangako si Sotto na magiging mabilis ang kanyang aksyon.
“Isang bagay ang sigurado: Bilang Senate President, aaksyunan ko iyan nang may kaukulang bilis, forthwith!” pahayag ni Sotto sa isang opisyal na pahayag.
Ang matapang na pahayag ni Sotto ay kasunod ng naging kontrobersya sa ilalim ng kanyang sinundan na si dating Senate President Francis Escudero. Matatandaang binatikos si Escudero noon dahil sa kabiguang agad na i-convene ang Senado bilang isang impeachment court matapos ipadala ng Kamara ang mga reklamo laban kay VP Duterte noong Pebrero 5 ng nakaraang taon.
Nauwi ang nasabing reklamo sa pagkakabasura matapos itong ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional noong Hulyo 2025 dahil sa paglabag sa one-year bar rule.
Samantala, ibinunyag ni House Senior Deputy Minority Leader Edgar Erice na may nilulutong impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos. Ayon kay Erice, dalawang indibidwal na malapit sa kampo ni Duterte ang lumapit sa kanya upang hingin ang kanyang suporta.
Ang reklamo laban sa Pangulo ay ibabatay umano sa “betrayal of public trust” kaugnay ng mga pambansang badyet mula 2023 hanggang 2025. Gayunpaman, tinanggihan ito ni Erice dahil ayaw niyang maiugnay ang Liberal Party (LP) sa mga pro-Duterte stalwarts.
Ayon sa impormasyon ni Erice, mayroon nang dalawang mambabatas sa Kamara—isa mula sa majority at isa mula sa independent bloc—ang nakahandang mag-endorso ng reklamo laban sa Pangulo.
Sa kabilang banda, kumpirmado naman ang plano ng Makabayan bloc na muling ihain ang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte sa darating na Pebrero 6, ang petsa kung kailan legal na itong pinapayagan ng batas.
Pinuna rin ng Makabayan bloc si Navotas Rep. Toby Tiangco matapos nitong sabihin na hindi siya pipirma sa anumang impeachment laban sa Bise Presidente hangga’t walang nahuhuling “malaking isda” sa gitna ng nagpapatuloy na flood control scandal.
