PATAY ang isang lalaki habang nakatakas naman ang apat nitong kasamahan makaraang makipagbarilan umano sa mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest laban sa isa sa kanila sa Caloocan City.
Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan si alyas “Maco”, 22, ng 3rd Avenue, BMBA Compound, Brgy. 118 habang nakatakas naman sina alyas “Em Em”, 33, “John”, 28, “Ambeng”, 23, at Toto Flora”, pawang ng BMBA Compund.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth na alas-2:15 ng hapon nang ikasa ng pinagsamang mga operatiba ng East Grace Park Police Sub-Station 2, Warrant and Subpoena Section at Intelligence Section ang pagsisilbi ng arrest warrant na inisyu ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 232 para sa kasong Frustrated Murder laban kay alyas Em Ems a BMBA Compound, Brgy. 118.
Gayunman, pumalag umano ang mga suspek at naglabas ng baril saka pinaputukan ang mga pulis na naging dahilan upang mapilitang gumanti ng putok sina PCpl Oya at P/MSg. Lapatar kung saan tinamaan si ‘Maco’ na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Narekober sa nasawing suspek ang isang kalibre .38 revolver habang patuloy naman ang pagtugis ng pulisya laban sa nakatakas na mga suspek para maaresto. (JUVY LUECRO)
