Muling maghihigpit ng sinturon ang mga motorista ngayong linggo dahil sa ipatutupad na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo simula bukas, araw ng Martes, Enero 13.
Sa magkakahiwalay na abiso ng mga kumpanya ng langis tulad ng Seaoil at Cleanfuel, tataas ng P0.30 kada litro ang presyo ng gasolina, habang may dagdag na P0.20 kada litro naman sa diesel.
Para sa mga gumagamit ng kerosene, inanunsyo ng Seaoil na tataas din ito ng P0.30 kada litro. Inaasahang magsisimulang magbago ang presyo sa pump sa ganap na alas-6:00 ng umaga para sa karamihan ng mga kumpanya, maliban sa Cleanfuel na karaniwang nagpapatupad ng adjustment bandang alas-4:01 ng hapon.
Ang pagtaas na ito ay kabaligtaran sa naunang pagtaya ng Department of Energy (DOE) na magkakaroon sana ng “rollback” o bawas-presyo.
Nauna nang inasahan ng mga eksperto na bababa ang presyo dahil sa inaasahang pagtaas ng suplay ng krudo mula sa Venezuela at ang pagmomonitor ng mga trader sa polisiya ng OPEC+.
Gayunpaman, mas nanaig ang mga galaw sa pandaigdigang pamilihan na nagtulak sa bahagyang pag-akyat ng presyo.
Matatandaan na noong nakaraang linggo, nagkaroon ng maliit na tapyas sa presyo ng gasolina, habang bahagya namang tumaas ang singil sa diesel at kerosene.
