Kritikal ang kondisyon at kasalukuyang nasa Intensive Care Unit (ICU) ng isang pagamutan ang isang senior citizen matapos mabiktima ng hit and run sa loob ng isang subdivision sa lungsod na ito nitong bisperas ng Bagong Taon.
Kinilala ang biktimang si Antonio Salvador, 67-anyos, residente ng Golden City Subdivision, Sta. Rosa.
Ayon sa pahayag ng kapatid ng biktima na si retired Police Colonel Romeo Salvador, naganap ang insidente dakong 4:20 ng hapon nitong Disyembre 31.
Lalabas lamang sana ang biktima upang bumili ng uling na gagamitin para sa Media Noche nang bigla itong mahagip ng isang hindi pa nakikilalang motorcycle rider sa loob mismo ng kanilang subdivision.
Sa halip na tulungan, mabilis na pinatakbo ng suspek ang kanyang motor at iniwang duguan ang matanda sa kalsada. Agad namang naisugod ang biktima sa St. James Hospital, subalit sa tindi ng tinamong pinsala ay nananatili itong comatose hanggang sa kasalukuyan.
Nanawagan ngayon si Retired Col. Salvador sa sinumang nakasaksi sa pangyayari o sa mga may hawak ng CCTV footage sa paligid ng Golden City Subd. na lumantad at makipagtulungan sa mga awtoridad.
“Nanawagan po kami sa mga saksi na lumabas at magbigay ng impormasyon para sa agarang ikadarakip ng suspek,” giit ng retiradong opisyal.
Patuloy namang nagsasagawa ng follow-up investigation ang lokal na pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na rider. (Arnold Pajaron Jr)
