Simula bukas, Enero 2, 2026, ipatutupad na ng Land Transportation Office (LTO) ang mahigpit na ban sa mga e-trike sa mga pangunahing lansangan o major highways sa Metro Manila.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa mga patakaran ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada at maiwasan ang mga aksidente.
Kabilang sa mga kalsadang hindi na papayagang dumaan ang mga e-trike ay ang EDSA (Epifanio de los Santos Avenue), C-5 Road, Roxas Boulevard at Quirino Avenue hanggang Magallanes – SLEX (South Luzon Expressway)
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang mga nabanggit na highway ay idinisenyo para sa malalaki at mabilis na sasakyan.
“Ang pagsasabay ng mababagal at magagaan na sasakyan [tulad ng e-trike] sa ganitong uri ng kalsada ay nagdudulot ng malinaw na panganib sa lahat ng gumagamit ng daan,” ani Asec. Lacanilao.
Binigyang-diin ng opisyal na hindi layunin ng LTO na tuluyang ipagbawal ang e-trike sa bansa, kundi ilagay lamang sila sa tamang lugar. Nakahanda rin ang ahensya na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan (LGU) para sa pagbuo ng mga alternatibong ruta na ligtas para sa mga e-trike.
Ang mga lalabag sa nasabing kautusan ay mahaharap sa kaukulang parusa base sa Republic Act No. 4136 (Land Transportation and Traffic Code) at Joint Administrative Order No. 2014-01. Maaaring patawan ng multa ang mga drayber at posibleng i-impound ang kanilang mga sasakyan.
Magpapakalat ang LTO ng mga law enforcer sa mga “critical points” ng mga pangunahing daan simula bukas upang magmonitor at magbigay ng impormasyon sa mga motorista.
Nanawagan ang ahensya sa publiko para sa kooperasyon at disiplina sa kalsada upang mapanatili ang kaayusan sa trapiko sa pagsalubong sa bagong taon.
