Photo credit: ABS-CBN
Ganap nang niratipikahan ng Mababang Kapulungan at ng Senado ngayong Lunes, Disyembre 29, ang bicameral conference committee report para sa P6.793-trillion national budget para sa taong 2026. Sa kabila nito, dumaan sa butas ng karayom ang pagpasa dahil sa matinding batikos mula sa ilang mambabatas kaugnay ng “pork barrel” at kwestyonableng alokasyon.
Inaasahang ipadadala na ang kopya ng budget sa Malacañang upang malagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang linggo ng Enero.
Gayunman, dalawang mambabatas sa Kamara ang bumoto laban sa ratipikasyon. Ayon kay House Deputy Minority Leader Antonio Tinio, bigong pondohan ng badyet ang tinawag niyang “tunay” na reporma sa agraryo at pambansang industriyalisasyon.
“Habang kapos ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pang serbisyong panlipunan, bilyon-bilyon ang ibinuhos sa pork, pasismo, dayuhang interes at pagbabayad ng utang,” ani Tinio.
Binatikos din niya ang umano’y posibleng pork barrel ng mga LGU, partikular ang Local Government Support Fund na tumaas nang higit tatlong beses—P57.8 bilyon mula P16 bilyon sa National Expenditure Program (NEP).
Ang Financial Assistance to LGUs ay lumobo rin sa P37.4 bilyon mula P5 bilyon, habang ang Growth Equity Fund ay halos sampung beses ang itinaas sa P11.3 bilyon mula P1 bilyon. Ang mga pondong ito ay lump sum at maaaring gamitin sa imprastraktura at social aid.
Bumoto rin laban ang Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab, dahil sa umano’y patuloy na maling paggamit ng unprogrammed appropriations.
Sa Senado, ilang senador ang bumoto pabor ngunit may reserbasyon. Ayon kay Sen. Rodante Marcoleta, ibinalik ng bicam ang ilang malaking bawas sa mga ayuda program gaya ng MAIFIP at TUPAD, na dati nang pinuna ng mga budget watchdog dahil sa posibleng political patronage.
Ang MAIFIP, ayon kay Marcoleta, ay nangangailangan pa umano ng guarantee letter mula sa mga pulitiko bago makakuha ng tulong ang pasyente.
“Kapag pinagsabay ang malalaking dagdag sa ayuda at standby funds, malinaw ang larawan—pinalalawak ang mga daluyan ng patronage habang sinasabing may reporma at disiplina. Ito ay impunity,” giit niya.
Si Senate President Pro Tempore Panfilo ‘Ping’ Lacson, bagama’t bumoto pabor, ay nagbabala rin sa kakulangan ng matibay na safeguards laban sa pakikialam ng mga pulitiko sa pamamahagi ng ayuda.
“Hindi dapat gawing political tool ang pambansang badyet. Dapat itong magsilbi sa taumbayan, hindi sa kapritso ng mga nasa poder,” ani Lacson.
Sina Sens. Loren Legarda at Kiko Pangilinan ay bumoto rin pabor ngunit may kanya-kanyang reserbasyon. Para kay Legarda, nananatili ang problema sa hindi pag-remit ng sin tax revenues at statutory shares ng PCSO at PAGCOR para sa PhilHealth.
Samantala, hiniling ni Pangilinan kay Pangulong Marcos na i-veto ang probisyong nagpapahintulot sa Department of Agriculture (DA) na makipag-MOA sa DPWH para sa farm-to-market roads, na nadoble ang pondo sa P33 bilyon mula P16 bilyon.
Binanggit niya ang isyu sa kakayahan at pananagutan ng DPWH, na may backlog umano na 60,000 kilometro ng farm-to-market roads.
“Kung seryoso tayong tulungan ang mga magsasaka, ang DA ang mas may kakayahang tukuyin kung aling mga kalsada ang kritikal sa produksyon at access sa merkado,” ani Pangilinan.
Sa kabila ng mga kontrobersiya, iginiit ni Senate Finance Committee Chair Sherwin Gatchalian na may malalaking dagdag sa pondo ng mahahalagang sektor. Ayon sa kanya, nanatili ang P1.35 trilyon para sa edukasyon, habang P214.39 bilyon at P447.6 bilyon ang inilaan para sa agrikultura at kalusugan, ayon sa pagkakasunod.
Sa ngayon, ang mata ng publiko ay nakatutok na sa Malacañang—kung lalagdaan ba nang buo ang badyet o may mga probisyong tatamaan ng presidential veto.
