Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Bagong Taon, muling nagpaalala ang Manila Electric Company (Meralco), sa pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, sa publiko na unahin ang kaligtasan sa kuryente upang matiyak ang isang masaya at aksidente-free na selebrasyon.
Tiniyak ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga na mananatiling naka-deploy at naka-standby ang kanilang mga crew at personnel 24/7, maging sa mismong araw ng Bagong Taon, upang agad na rumesponde sa anumang electrical concern ng kanilang mahigit 8 milyong customer.
“Ipinapaalala namin sa aming mga customer na iwasang magsindi ng paputok malapit sa aming mga pasilidad upang maiwasan ang mga hindi inaasahang insidente. Makakaasa kayo na handa ang aming mga crew na magbigay ng tulong sa anumang oras,” ani Zaldarriaga.
Upang maiwasan ang sunog at power outages, ibinahagi ng Meralco ang mga sumusunod na safety tips:
- Iwasan ang pagpapaputok malapit sa poste at kawad: Ang mga paputok malapit sa mga transformer at linya ng kuryente ay maaaring magdulot ng malawakang brownout o aksidente.
- Ilayo ang party items sa pasilidad ng kuryente: Iwasang gumamit ng party poppers at lobo malapit sa mga linya ng kuryente.
- Maghanda ng fire extinguisher: Ang mga paputok ay madaling makasunog ng mga gamit na madaling mag-apoy.
- Iwasan ang “Octopus Connection”: Huwag pagsama-samahin ang maraming extension cord sa isang saksakan upang maiwasan ang overloading at sunog.
- Mag-unplug bago matulog: Bunutin ang saksak ng Christmas lights at iba pang appliances kapag hindi ginagamit o bago umalis ng bahay.
Bagaman sarado ang mga Meralco Business Centers mula Disyembre 31 hanggang Enero 1, bukas naman ang kanilang mga digital channels para sa mga report: Channel Contact Information Hotline16211, Text Lines 0920-9716211 / 0917-5516211, Social MediaFacebook (meralco) / X (@meralco)
