Walang sinasanto ang liderato ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos bitbitin at disarmahan ang walong miyembro ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD) dahil sa alegasyon ng robbery sa gitna ng isang operasyon sa Barangay Palatiw, Pasig City.
Batay sa paunang imbestigayon, naganap ang insidente dakong alas-2:05 ng hapon nitong December 26, 2025. Pumasok umano ang mga pulis sa isang bahay upang hanapin ang isang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.
Gayunman, iniulat ng mga nakatira sa bahay na may mga personal na gamit na umano’y kinuha ng mga operatiba, dahilan upang agad silang humingi ng tulong sa pulisya.
Kaagad namang umaksyon ang Pasig City Police Station sa reklamo. Sa isinagawang beripikasyon, nabigo ang mga sangkot na magpakita ng opisyal na dokumento na magpapatunay na lehitimo at awtorisado ang isinagawang anti-illegal drugs operation.
Kasalukiyang nakadetine ang walong pulis sa Pasig City Police Station at isasailalim sa inquest proceedings ngayong araw. Agad ding kinumpiska ang kanilang mga service firearms.
Mariing iginiit ni PMGEN Aberin na nananatiling mahigpit ang patakaran ng NCRPO laban sa anumang uri ng pang-aabuso sa awtoridad, maling pag-uugali, at paglabag sa itinakdang police operational procedures.
“Ang awtoridad na ipinagkakaloob sa bawat pulis ay may kaakibat na mas mataas na antas ng pananagutan. Sa NCRPO, malinaw—walang sinuman ang higit sa batas at hindi pinahihintulutan ang pang-aabuso sa awtoridad. Sisiguraduhin naming mananagot ang sinumang mapatunayang lumabag,” pahayag ni Aberin.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng NCRPO upang matukoy ang buong pangyayari at masiguro ang pananagutan ng mga sangkot, kasabay ng pangakong pananatilihin ang disiplina at integridad sa hanay ng kapulisan. (Arnold Pajaron Jr)
