Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) ang seryosong pagkukulang at mga “systemic weaknesses” sa pagpapatupad ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng pamahalaan, kabilang ang dobleng at nag-o-overlap na tulong, pagbibigay ng ayuda sa mga hindi kwalipikado, at patuloy na pakikialam ng mga pulitiko na tinukoy bilang anyo ng electioneering.
Sa 2024 audit report ng COA sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ng ahensya na ang paulit-ulit na problema ay nag-ugat sa kakulangan sa maayos na cross-matching ng datos, hindi pare-parehong pag-update ng database, mahinang koordinasyon ng mga tanggapan, at labis na pag-asa sa manu-manong beripikasyon o listahang may basbas ng mga pulitiko.
Ayon sa COA, ang mga kahinaang ito ay nagresulta sa maluwag na pagpapatupad ng eligibility requirements ng programa.
Ang AKAP ay bahagi ng protective programs ng DSWD na layong tulungan ang mga minimum wage at low-income earners, kabilang ang mga manggagawa sa non-agricultural at agricultural sectors, service at retail establishments, mga kasambahay, at mga kabilang sa informal economy.
Umabot sa P108.3 milyon ang mga ipinamigay na ayuda sa ilalim ng AKAP, kabilang ang rice assistance, tulong sa gamot at laboratoryo, food assistance na ibinibigay kada tatlong buwan, funeral assistance sa bawat insidente ng pagkamatay, at tulong sa hospital bills kada admission.
Batay sa ulat ng COA na inilathala noong Disyembre 18, nakatanggap ang ilang benepisyaryo ng magkakaparehong tulong mula sa iba’t ibang disbursing offices sa loob lamang ng tatlong buwan, bukod pa sa sabayang pagtanggap ng ayuda mula sa AKAP at iba pang programa ng DSWD.
Sa Metro Manila pa lamang, tinukoy ng COA na 19,501 benepisyaryo ng AKAP ang nakatanggap ng maraming tulong na nagkakahalaga ng P69.441 milyon sa loob ng tatlong buwan, dahil sa kakulangan ng sistema upang matukoy ang mga indibidwal na tumatanggap ng ayuda mula sa iba’t ibang tanggapan.
Bukod dito, 3,565 benepisyaryo ng AKAP ang nabigyan ng tulong kahit na nakinabang na sila sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program sa parehong panahon na labag sa itinakdang limitasyon ng isang DSWD circular noong 2024.
Natuklasan din ng COA na P11.9 milyon na financial assistance ang naibigay sa 466 benepisyaryong may sahod na mas mataas sa minimum wage, na lumampas sa itinakdang threshold ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Even if these paid beneficiaries are unable to meet their basic needs due to unforeseen events, they do not qualify under the program and should have been processed under the AICS Program,” paliwanag ng COA.
Tinukoy rin ng COA ang umano’y pagpasok ng pulitika sa implementasyon ng AKAP. Sa Calabarzon, 249 benepisyaryo na kinapanayam sa house-to-house validation ang nagsabing napasama sila sa listahan sa pamamagitan ng referral ng mga kongresista o party-list groups.
Sa Davao region naman, sinabi ng COA na ang pag-endorso ng isang kongresista sa mga benepisyaryo para sa financial assistance na pinondohan ng AKAP ay indikasyon ng pakikilahok ng isang mambabatas sa pagpapatupad ng programang ehekutibo.
Binigyang-diin ng COA na ang ganitong “unabated encroachment” ng lehislatura sa programa ng DSWD ay maaaring gamitin upang isulong ang personal na adyenda sa pulitika, na maituturing na electioneering.
Nilinaw naman ng DSWD na malinaw na ipinagbabawal ng mga patakaran ang anumang political interference sa pagpili ng mga benepisyaryo. Upang maiwasan ang political branding, inaatasan ang lahat ng AKAP payout sites na maglagay ng malinaw na DSWD tarpaulins at logo.
