BINISITA nina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco para kamustahin ang mga pamilyang kasalukuyang nanunuluyan sa Tanza National High School matapos tupukin ng apoy ang kanilang mga bahay sa naganap na sunog sa Tambak 2, Brgy. Tanza 2, Navotas City. Kaagad din nagpaabot ng tulong ang magkapatid na Tiangco na mga pagkain, malinis na tubig inumin, banig at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nasunugan. (JUVY LUCERO)
MALUNGKOT ang pagdiriwang ng Pasko ng may 114 na pamilyang matapos mawalan ng tirahan sa naganap na malaking sunog na tumupok sa mahigit 80-kabahayan sa Navotas City, Linggo ng gabi.
Sa ulat, sumiklab ang sunog alas-11:15 ng gabi sa Tambak 2 Street, Brgy Tanza 2 na mabilis na kumalat ang apoy sa magkakadikit na kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials kaya’t itinaas kaagad sa ika-apat na alarma dakong alas-11:58.
Mabilis namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Fire Volunteers na nagtulung-tulong sa pag-apula ng sunog na ideklarang kontrolado alas-12:53 ng hating gabi.
Labis ang paghihinagpis ng maraming residente dahil wala silang naisalbang gamit bunga ng mabilis na pagkalat ng apoy na hinihinalang sanhi ng hindi maayos na koneksiyon ng kuryente.
Pumunta naman sa lugar si Mayor John Rey Tiangco at inatasan ang mga opisyal ng kaukulang departamento na tulungang ilikas ang mga nasunugan sa Tanza National High School upang doon makatanggap kaagad ng kaukulang tulong.
Personal din na binisita ni Congressman Toby Tiangco para kamustahin ang kalagayan ng mga nasunugan na kasalukuyang nasa evacuation center sa Tanza National High School.
Bandang ala-1:33 ng Lunes ng madaling araw nang tuluyang naapula ang apoy habang wala namang iniulat na nasawi sa naturang sunog at inaalam pa ang halaga ng natupok na mga ari-arian.
Paalala ng alkalde, habang abala aniya tayo sa mga pagdiriwang, mag-iingat din po tayo para maiwasan ang mga sakunang tulad nito. (JUVY LUCERO)
