Photo credit: to MMDA
Sinuspinde ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ipinatutupad nitong expanded number coding scheme sa Metro Manila kaugnay ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa advisory ng MMDA nitong Lunes, pansamantalang ititigil ang number coding mula Disyembre 23 hanggang Disyembre 25, at muli mula Disyembre 29 hanggang Enero 2.
Sakop ng suspensyon ang mga sumusunod na petsa:
- Disyembre 23, 2025 (Martes)
- Disyembre 24, 2025 (Miyerkules) – Christmas Eve, special non-working holiday
- Disyembre 25, 2025 (Huwebes) – Christmas Day, regular holiday
- Disyembre 29, 2025 (Lunes) – suspensyon ng trabaho sa gobyerno
- Disyembre 30, 2025 (Martes) – Rizal Day, regular holiday
- Disyembre 31, 2025 (Miyerkules) – New Year’s Eve, special non-working holiday
- Enero 1, 2026 (Huwebes) – New Year’s Day, regular holiday
- Enero 2, 2026 (Biyernes) – suspensyon ng trabaho sa gobyerno
Nilinaw ng MMDA na kabilang sa suspensyon ang Disyembre 29 at Enero 2, alinsunod sa Memorandum Circular No. 111 na inilabas ng Office of the President, na nagsususpinde ng trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa naturang mga petsa upang mabigyan ng sapat na oras ang mga empleyado na ipagdiwang ang Bagong Taon.
“Awtomatikong sinuspinde ang number coding tuwing may opisyal at special non-working holidays,” ayon sa MMDA.
Pinayuhan naman ng ahensya ang mga motorista na planuhin ang biyahe, sumunod sa mga batas-trapiko, at magmaneho nang maingat upang maiwasan ang aksidente lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan ngayong holiday season. (Arnold Pajaron Jr)
