BENGUET — Mariing itinanggi ng Ion Hotel ang mga alegasyong inuugnay ang establisyemento sa yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral at kay Benguet Rep. Eric Yap, at tinawag ang mga ito na mali, mapanlinlang, at walang sapat na batayan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Enrique dela Cruz Jr., legal counsel ng Ion Hotel, na wala umanong kinalaman sina Cabral at Yap sa pagmamay-ari, pamamahala, o operasyon ng hotel.
“These allegations are entirely false, misleading, and wholly unsubstantiated,” ani dela Cruz.
“Undersecretary Cabral and Congressman Yap are not, and have never been, owners, shareholders, directors, officers, or beneficial owners of Ion Hotel,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ng abogado na ang Ion Hotel ay walang kaugnayan sa anumang flood control project o sa industriya ng konstruksyon.
“The hotel is not engaged in the construction industry,” ayon kay dela Cruz.
Tinuligsa rin niya ang patuloy na pagkalat ng aniya’y maling paratang, lalo na sa gitna ng pagpanaw ni Cabral, na aniya’y labis na “deeply insensitive sa pamilya, sa iniwang reputasyon ng dating opisyal, at sa kanyang mga dating kasamahan sa serbisyo publiko.
“Ion Hotel operates strictly in accordance with Philippine laws and regulations and consistently adheres to the highest standards of corporate governance and ethical business conduct,” ani dela Cruz.
Ang pahayag ng hotel ay kasunod ng mga naunang pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla, na nagsabing si Cabral umano ang dating may-ari ng hotel sa Benguet kung saan siya tumuloy bago ang kanyang pagkamatay. Ayon pa kay Remulla, ibinenta umano ni Cabral ang nasabing ari-arian noong 2025 sa isang taong kinilalang si Eric Yap, at iginiit na mayroong business relationship ang dating DPWH official at ang mambabatas.
Binanggit din ni Remulla na ang ilang rock netting projects sa Tuba, Benguet ay dumaan umano sa tanggapan ni Cabral, habang si Yap naman ay iniuugnay bilang supplier at contractor—mga alegasyong mariing pinabulaanan ngayon ng Ion Hotel.
Patuloy pa ring sinusuri ng publiko at ng mga awtoridad ang magkakasalungat na pahayag kaugnay ng isyu.
