Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na walang kapangyarihan ang mga pulitiko na magpasya kung sino ang bibigyan ng medical assistance at kung magkano ang matatanggap, kahit pa sila ang nagbibigay ng tinatawag na guarantee letters (GLs).
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program, hindi na kailangan ang GLs mula sa mga pulitiko.
Ayon kay Domingo, ang pag-apruba ng tulong medikal ay nakabatay sa assessment ng mga itinalagang medical social worker, at hindi sa endorsement ng sinumang halal na opisyal.
“Hindi talaga namin kailangan yung GL. Ipinapatong lang po ’yan, ikinakabit doon sa mga papeles, pero ang pinakamahalaga talaga sa amin yung referral ng social worker,” ani Domingo.
Pinayuhan din niya ang mga pasyenteng nais mag-avail ng MAIFIP na dumiretso sa medical social services o social worker ng ospital upang alamin ang mga rekisito at ang koordinasyon ng kanilang ospital sa DOH.
“Marami tayong mga private hospital at halos lahat ng mga public LGU hospital at DOH hospital may access sa tinatawag na MAIFIP,” dagdag niya.
Layunin ng MAIFIP na tulungan ang mga indigent at financially incapacitated patients sa pamamagitan ng pagsagot sa gastusing hindi saklaw ng PhilHealth, kabilang ang mga benepisyong lampas sa case rates at iba pang pondo.
Kamakailan, inaprubahan ng bicameral conference committee na nagdedeliberate sa 2026 national budget ang P51-bilyong pondo para sa MAIFIP, na umani ng batikos dahil sa pangambang maaari umano itong gamitin ng ilang mambabatas bilang patronage fund.
Gayunman, iginiit ni Domingo na ang pinalaking pondo ay hindi ilalabas sa mga mayor o gobernador, kundi direktang idi-disburse sa mga LGU hospitals, DOH-run hospitals, at mga accredited private hospitals.
“Ang malaking bahagi ng P51 billion na kanilang inaprobahan para sa MAIFIP ay mapupunta na diretso—hindi sa LGU—kundi sa LGU hospitals,” ani Domingo.
“Nakakarinig po ako na parang pupunta sa mayor at governor. Hindi po ito totoo. Pupunta po ’yan diretso sa LGU hospitals dahil billing section na ang bahala. So sa mga level 3 LGU hospitals na malalaki, dapat zero billing na,” dagdag pa niya.
Ayon sa opisyal, maraming LGU hospitals ang nahihirapang ipatupad ang zero-balance billing dahil sa kakulangan sa pondo, at ang MAIFIP ang inaasahang tutulong upang punan ang kakulangang ito at masuportahan ang iba pang gastusin ng mga ospital.
Binigyang-diin din ni Domingo na ang MAIFIP ay hindi cash assistance, kundi isang mekanismo ng pagbabayad para sa serbisyong medikal.
“Ito yung safeguards—kapag walang pasyente na may sakit, hindi puwedeng kunin yung MAIFIP. Kaya sinasabi namin, hindi ito cash. Pambayad-serbisyo siya,” paliwanag niya.
Matatandaang bago pa man ang panukalang pagtaas ng pondo, matagal nang kinukuwestiyon ng mga health professionals at policy advocates ang paggamit ng GLs at ng MAIFIP. Sa isang press conference noong Nobyembre, itinuro ng mga eksperto ang pagbaba ng benepisyo ng PhilHealth kasabay ng paglobo ng MAIFIP allocations sa mga nakaraang taon, na anila’y maaaring maglagay sa mga pulitiko bilang de facto healthcare providers.
Pinuna rin nila ang sistema ng GLs, na ayon sa kanila ay maaaring magbukas ng pinto sa political patronage.
“Kung karapatan talaga ang kalusugan, hindi ka dapat lumuluhod, namamalimos, o pumipila para lang dito,” pahayag ni Dr. Antonio Dans, convenor ng Health Professional Alliance.
