Larawan mula sa CSPPO
Dalawang miyembro ng Philippine Army ang nasawi habang tatlo pa ang nasugatan matapos ang isang matinding engkwentro laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa kabundukan ng Barangay Cabungan, Balatan, Camarines Sur, tanghali ng Biyernes, Disyembre 19.
Kinilala ang mga nasawi bilang isang platoon leader na may ranggong first lieutenant at isang sarhento. Tatlo pang sarhento ang nagtamo ng sugat at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Ayon sa ulat ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), nagsasagawa ng combat operation ang mga sundalo mula sa 9th Infantry Battalion (9IB) at 9th Infantry Division (9ID) nang biglang makasagupa ang hindi pa matukoy na bilang ng mga armadong rebelde.
Matapos ang sagupaan, agad na nagsagawa ng pursuit operation ang militar upang tugisin ang mga tumakas na miyembro ng NPA na nagsitakas sa kabundukan.
Samantala, iniutos ni Police Col. Virgilio Olalia Jr., director ng CSPPO, sa Balatan Police ang paglalatag ng checkpoint at chokepoint sa lahat ng posibleng labasan ng bayan upang harangin ang mga tumatakas na rebelde.
Nag-inspeksyon din ang pulisya sa mga kalapit na ospital upang alamin kung may mga indibidwal na may tama ng bala na posibleng kasapi ng rebeldeng grupo na nagpapagamot.
Patuloy pa ang imbestigasyon at operasyon ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa lugar.
