PINAYUHAN ng Manila Police District–Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) ang mga motorista na beripikahin muna ang pagkakakilanlan at kung legit ba ang mga parking attendant na naniningil sa mga itinalagang paradahan sa lungsod ng Maynila.
Inilabas ang babala ni MPD-SMaRT chief Police Major Edward Samonte matapos ang matagumpay na pag-aresto sa tatlong indibidwal na nagpapanggap bilang parking attendants sa ilang lugar sa Binondo, Maynila.
Ayon kay Samonte, inaresto ang mga suspek sa Asuncion, Barangay 270, at sa kanto ng Madrid at Peña Rubia streets sa Barangay 272, matapos umanong maningil ng hindi awtorisado at grabe kung maningil ng parking fees sa mga motorista.
Sa loob ng tatlong araw na operasyon, naaresto ang mga suspek na kinilalang sina alias “Roger,” 47, isang barangay tanod at residente ng J. De Moriones Street; alias “Rolly,” 53, residente ng Madrid Street, San Nicolas; at alias “Joan,” 43, na umano’y kaalyado ni Roger.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi lehitimong miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang tatlo at iligal na naniningil ng parking fees na lampas sa itinakdang singil ng lokal na pamahalaan.
Batay sa ulat, naniningil umano ang mga suspek ng hindi bababa sa P150 sa mga pribadong sasakyan at P300 hanggang P1,500 sa mga malalaking trak na nagpaparada sa mga lugar ng Divisoria at Binondo.
Ayon kay Samonte, malaking pabigat ito sa mga motorista, lalo na sa mga negosyante at delivery drivers na naghahatid ng gulay at iba pang produkto sa mga tindera sa Divisoria.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung may mga kasabwat ang mga suspek sa ilegal na operasyon.
Sinabi ni Samonte na iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang agarang pagpapatigil sa mga abusado at ilegal na paniningil na pumipinsala sa publiko.
Nagbabala rin ang opisyal sa iba pang indibidwal na huwag tularan ang ganitong gawain, at iginiit na mananagot sa batas ang sinumang lalabag.
“Hinihikayat namin ang mga motorista na laging humingi at mag-verify ng opisyal na ID ng mga parking attendant bago magbayad upang hindi mabiktima ng ganitong modus. Huwag mag-atubiling magsumbong ng kahina-hinalang aktibidad upang agad kaming makakilos,” ani Samonte.
Sa kasalukuyan, nakakulong sa MPD-SMaRT headquarters ang tatlong suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 177 ng Revised Penal Code, o Usurpation of Authority and Official Functions.
