Isang guro sa Tondo, Maynila ang inakusahan ng pananakit at pang-aabuso sa isang 12-anyos na estudyante, kabilang ang umano’y pamimilit na kumain ng ipis, matapos siyang mahuli ng bata na minomolestiya ang isa pang babaeng mag-aaral sa loob ng paaralan, ayon sa Manila Police District (MPD).
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang insidente noong Oktubre 15 nang mahuli ng biktima ang suspek na kinilalang si “Nel,” 53, sa loob ng comfort room ng paaralan habang umano’y inaabuso ang isa pang estudyante. Ang suspek ay nakalista rin bilang No. 3 most wanted person ng MPD.
Ayon sa salaysay ng biktima, tinangka niyang tumakas matapos masaksihan ang pangyayari, subalit nahabol umano siya ng suspek at muling dinala sa loob ng comfort room. Doon umano siya sinaktan, pinilit kumain ng ipis, at tinakot upang hindi magsumbong sa sinuman.
Sa kabila ng pananakot, isinumbong ng bata ang insidente sa kanyang mga magulang, na agad namang humingi ng tulong sa mga awtoridad. Naglunsad ang pulisya ng surveillance at follow-up operation laban sa guro.
Noong Disyembre 12, dakong alas-5:00 ng hapon, inaresto ang suspek sa loob mismo ng paaralan sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Maria Lorenza Barias-Siosana ng Manila Regional Trial Court Branch 38. Kinasuhan siya ng paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.
Itinanggi naman ng suspek niya ang paratang ng biktima.
Samantala, hindi pa naghahain ng reklamo ang dalagitang unang biktima ng pang-aabuso.
