Mariing kinondena ng United States at ng ilang malalapit na kaalyado ng Pilipinas ang agresibong aksyon ng China matapos gumamit ang Chinese Coast Guard (CCG) ng water cannons at putulin ang mga anchor line ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Disyembre 14 (Lunes, Disyembre 15 sa oras ng Maynila), sinabi ni US State Department Deputy Spokesperson Tommy Pigott na ang mga ginawa ng China ay “naglagay sa panganib ng mga Pilipinong nangingisda para sa kanilang ikabubuhay.”
“Nanindigan kami kasama ang aming kaalyadong Pilipinas habang hinaharap nito ang mga mapanukso at lalong mapanganib na taktika ng China laban sa mga kapitbahay nito na sumisira sa katatagan ng rehiyon,” ayon kay Pigott.
Nauna ring binatikos ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson ang China, sinabing ang “agresibong taktika” ng CCG—kabilang ang water cannoning at pagputol ng anchor lines—ay “nagbabanta sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino” sa Sabina Shoal. Mariin din niyang kinondena ang umano’y ilegal na aksyon ng China at pinuri ang Philippine Coast Guard (PCG) sa pagtulong sa mga mangingisda at pagtatanggol sa soberanong karapatan ng bansa.
Sumabay rin ang Canada, Australia at Japan sa pagkondena. Ayon kay Canadian Ambassador David Hartman, “seryosong ikinababahala” ng Ottawa ang agresibong aksyon ng CCG laban sa mga sibilyang bangkang pangisda ng Pilipinas, na aniya’y naglalagay sa panganib ng kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Sinabi naman ni Australian Ambassador Marc Innes-Brown na labis na nababahala ang Canberra sa mga aksyon ng CCG na nagdulot ng pinsala at ikinasugat ng mga sibilyan. Nanawagan siya ng pagpipigil at paggalang sa international law, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon kay Japanese Ambassador Endo Kazuya, “lubhang ikinababahala” ng Japan ang mapanganib at agresibong aksyon ng China sa Sabina Shoal na nagresulta sa pagkasugat ng mga mangingisdang Pilipino at pagkasira ng kanilang mga bangka. Iginiit niya na dapat manaig ang rule of law at tutulan ang anumang hakbang na nagpapalala ng tensyon.
Ang US, Australia, Japan at Canada ay pawang malalapit na defense partners ng Pilipinas. May Visiting Forces Agreement (VFA) ang Maynila at Washington, Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) sa Australia at Canada, at Reciprocal Access Agreement (RAA) sa Japan. Ang mga kasunduang ito ay nagpapahintulot sa pagpasok ng puwersang militar ng mga bansa para sa joint exercises at humanitarian operations.
Ang Estados Unidos rin ang tanging treaty ally ng Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty, na nag-oobliga sa magkabilang panig na magtulungan sakaling may pag-atake, kabilang sa West Philippine Sea—bahagi ng South China Sea na saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Nauna ring nagpahayag ng pagkabahala ang United Kingdom at European Union. Sinabi ni British Ambassador Sarah Hulton na ang paggamit ng water cannons laban sa mga mangingisdang Pilipino ay “naglalagay sa panganib ng buhay at nagbubukas ng posibilidad ng eskalasyon.” Inaasahan ding magsisimula ang Pilipinas at UK ng negosasyon para sa isang SOVFA.
Ayon naman sa EU, ang mga aksyon ng China ay nagbanta sa kaligtasan ng buhay sa dagat, nagdulot ng pinsala sa mga sibilyan, at sumira sa lehitimong paggamit ng mga karapatang pandagat. Binigyang-diin nito na ang 2016 Arbitral Award ay pinal at may bisa, at nanawagan ng de-escalation at mapayapang resolusyon ng mga alitan alinsunod sa international law.
Noong Biyernes, Disyembre 12, gumamit ang CCG ng water cannons laban sa mahigit isang dosenang mas maliliit na bangkang Pilipino malapit sa Escoda (Sabina) Shoal. Gumawa rin ito ng blocking maneuvers at pinutol ang mga anchor line ng ilang bangka, ayon sa PCG. Hindi bababa sa tatlong mangingisda ang kinailangang bigyan ng first aid.
Ito ang unang pagkakataon na isinapubliko ng pamahalaan ng Pilipinas ang isang insidente kung saan direktang ginamitan ng water cannon ang mga mangingisdang Pilipino. Matagal nang inirereklamo ng PCG ang pangha-harass ng CCG at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng Pilipinas.
Patuloy na inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea, sa kabila ng desisyon ng arbitral tribunal noong 2016 na pumabor sa Pilipinas. Dahil dito, patuloy na tumitindi ang tensyon sa mga flashpoint tulad ng Escoda Shoal, Scarborough Shoal, at Ayungin Shoal. (Limuel Tolentino)
