Iminungkahi ni Supreme Court Justice Ramon Paul Hernando na isabatas sa pamamagitan ng special appropriations law ang tinatawag na unprogrammed funds upang maiwasan ang mga kuwestiyonableng budget insertions na nauuwi umano sa korapsyon, simula sa 2026 pambansang badyet.
Sa isang 33-pahinang concurring and dissenting opinion kaugnay ng desisyon ng Korte Suprema na ideklarang iligal ang pag-impound ng ehekutibo sa ₱60 bilyong pondo ng PhilHealth, iginiit ni Hernando na labag sa Konstitusyon ang pagsasama ng unprogrammed funds sa General Appropriations Act (GAA).
“At the core of this controversy lies an undeniable truth: Unprogrammed funds in the GAA are unconstitutional,” ayon kay Hernando, na nagsabing ang naturang pondo ay “hindi nakaangkla sa tiyak na pinagkukunan ng pondo” at lumilikha ng puwang para sa abuso at katiwalian.
Ipinaliwanag ng mahistrado na malinaw sa Article VI, Section 25(2) ng 1987 Constitution na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga probisyong walang sapat na partikularidad sa GAA. Aniya, ang tamang paraan ay ang paglalaan ng naturang pondo sa pamamagitan ng hiwalay at malinaw na special appropriations law.
Dagdag pa ni Hernando, ang kasalukuyang konsepto ng unprogrammed funds ay may “structural defects” at hindi tugma sa isang sistemang konstitusyonal na nangangailangan ng malinaw na pinagmumulan at layunin ng bawat piso ng pondo ng bayan.
Tinanggap at pinuri naman ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal ang posisyon ni Hernando, sinabing pinatitibay nito ang matagal na panawagan ng kanilang grupo na tuluyang alisin ang unprogrammed funds sa pambansang badyet simula 2026.
“Malinaw ang babala ni Justice Hernando—ang mekanismong ito ay madaling abusuhin at hindi na dapat pang manatili sa susunod na badyet,” ani Nazal.
Samantala, nagpahayag si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na hindi niya lalagdaan ang ratipikasyon ng 2026 General Appropriations Bill kung mananatili ang malaking pondo para sa mga kontrobersyal na programa.
Kinondena ni Lacson ang P51.6 bilyong alokasyon para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ng Department of Health, na tinawag niyang “bagong mukha ng pork barrel.”
“Hindi ako pipirma kung mananatili ang P51 bilyon para sa MAIFIP na umaasa lamang sa guarantee letters ng mga pulitiko at hindi sumusunod sa Universal Health Care Act,” ani Lacson.
Ipinunto ng senador na dapat sana ay inilipat ang pondo ng MAIFIP sa mga programa ng Universal Health Care upang matiyak ang zero billing at mas malawak na serbisyong pangkalusugan.
Tutol din si Lacson sa pagdodoble ng pondo para sa farm-to-market roads (FMRs) ng Department of Agriculture sa P33 bilyon, mula sa ₱16 bilyong panukala ng Pangulo.
“I will not associate myself with the ₱33 billion spending for unplanned and unvetted farm-to-market roads,” ani Lacson, na nagbabala sa posibilidad ng katiwalian sa mga proyektong ito.
Ilang senador, kabilang sina Erwin Tulfo at Pia Cayetano, ang nagpahayag din ng pangamba sa laki ng pondo at kakulangan umano ng malinaw na masterplan, habang iginiit naman ng Kamara na handa na ang mga proyekto. Patuloy pang pinag-uusapan ng bicameral conference committee ang pinal na bersyon ng panukalang 2026 national budget bago ito ibalik sa Senado at Kamara para sa ratipikasyon.
