Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili at motorista ngayong Christmas season, ipinag-utos ni Mayor Maan Teodoro ang mas pinaigting na pamamahala ng trapiko at seguridad sa buong lungsod.
Sa flag raising ceremony nitong Lunes, Disyembre 15, sinabi ng alkalde na kapansin-pansin na ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa mga pamilihan at pangunahing commercial areas ng lungsod, dahilan upang direktang utusan ang Office of Public Safety and Security (OPSS) at mga traffic enforcer na ayusin ang galaw ng mga sasakyan.
“Kaya inatasan natin ang OPSS at ang traffic enforcers na ayusin ang daloy ng mga sasakyan,” ani Teodoro.
Ayon sa alkalde, kinakailangang magtalaga ng karagdagang personnel sa mga kritikal na pasukan at labasan ng lungsod, gayundin sa mga pangunahing intersection na madalas makaranas ng matinding trapik.
“Inaatasan po natin ang ating OPSS na magtalaga ng mga enforcer sa mga critical areas, lalo na sa mga papasok at palabas ng ating lungsod pati na rin ang intersection areas kung saan nararanasan ang minsan’y gridlock,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Teodoro ang mga reklamo ng publiko hinggil sa mahabang oras ng biyahe kahit hindi rush hour, na aniya’y patunay na kailangan ng data-driven traffic adjustments.
“Halimbawa po sa kanto ng D. Mariano at J.P. Rizal, may mga report tayong natatanggap na kahit hindi rush hour, umaabot ng 25 hanggang 30 minutes bago makarating sa bahagi ng Farmers 1 ang mga sasakyang galing sa Nangka,” ayon sa alkalde.
Kasabay nito, iniutos din ng mayor ang mas mahigpit na pagpapatupad ng loading at unloading regulations at ang pagsawata sa illegal parking upang mabawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ngayong holiday season.
“Hindi po ito para makaabala, kundi para pangalagaan ang oras, kaligtasan, at maayos na galaw ng araw-araw na buhay ng bawat taga-Marikina, lalo na ngayong Christmas rush,” diin niya.
Pinuri rin ni Teodoro ang OPSS sa pagsasagawa ng konsultasyon at trial traffic schemes kasama ang mga vendor, mamimili, at driver upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng masiglang kalakalan at maayos na mobilidad.
Samantala, nanawagan din ang alkalde sa Marikina Police na dagdagan ang police visibility at higpitan ang seguridad sa mga pamilihan upang maiwasan ang mga insidente ng pandurukot at iba pang krimen.
“Kasabay po nito ay ang ating pakiusap sa ating Marikina PNP na mas pag-ibayuhin ang police visibility at higpitan rin ang pagbabantay sa ating mga pamilihan upang maiwasan ang mga insidente ng pandurukot,” ani Teodoro.
Nagpasalamat din ang mayor sa mga kawani ng lungsod, frontliners, at volunteers sa kanilang patuloy na serbisyo.
“Maraming salamat po sa inyong lahat. The city moves forward because of you,” pagtatapos ni Teodoro. (Arnold Pajaron Jr)
