Pinuri ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon matapos alisin ang isang assistant secretary at isang Director IV na umano’y aktibong contractors, kasunod ng kanyang pahayag noong Oktubre 16 na ilan sa mga appointee ng DPWH ay may direktang koneksiyon sa mga kontratista.
Ayon kay Leviste, ang dalawang opisyal ay dinala sa DPWH ng nagbitiw na si Undersecretary Arrey Perez noong Oktubre 17, na iniuugnay rin niya kay Construction Workers Solidarity Partylist Rep. Edwin Gardiola. Tinataya umano ni Leviste na may higit P100 bilyon na proyekto ng DPWH ang napunta sa mga kumpanyang konektado kay Gardiola.
Sa Kapihan sa Manila Bay nitong Disyembre 3, ipinakita ni Leviste ang isang liham na pirmado ni Dizon na pormal na nagre-rescind ng appointment ng dalawang opisyal. Kinumpirma rin umano ng kalihim sa kanya na tinanggal na ang dalawang “contractor-officials.”
“Hindi alam ni Secretary Vince na contractors ang dalawang ito sa simula, at nagpapasalamat ako sa mabilis niyang aksyon nang lumabas ang resulta ng imbestigasyon. Pinapasalamatan ko rin siya sa pag-alis kay USec Perez matapos tangkaing idikit si Cong. Gardiola sa kanya,” pahayag ni Leviste.
Tumanggi na si Leviste na dagdagan ang detalye tungkol sa dalawang tinanggal na opisyal o ang umano’y pagtatangkang dalhin ni Perez si Gardiola kay Dizon, basta’t kumpirmadong hindi na papayagang makialam sa DPWH ang mga naturang contractor.
Kinumpirma rin umano ni Dizon na malapit si Perez kay Gardiola, ngunit hindi na raw ito makakaimpluwensya sa DPWH Central Office.
Kasabay nito, sinabi ni Leviste na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa isang undersecretary ng ibang ahensya na naging contractor ng DPWH para sa flood control projects matapos maupo sa puwesto. Iniimbestigahan din ang ilang opisyal na umano’y nasa listahan ng mga proponent ng proyekto sa DPWH Central Office.
Isa pa sa naging bunga ng koordinasyon nina Leviste at Dizon ay ang pagbaba ng construction material price data sa DPWH, na tinatayang makakatipid ng humigit-kumulang P60 bilyon.
“Napaka-produktibo ng mga nakaraang buwan sa aming pakikipagtrabaho kay Secretary Vince. Inaasahan ko pang mas mapalawak ang reporma sa DPWH at sa budget process,” ani Leviste. (MINA PADERNA)
