NAGING kontrobersiyal ang singer-songwriter at lawyer Jimmy Bondoc matapos nitong manawagan ng secession o paghihiwalay ng Mindanao mula sa Pilipinas upang bumuo ng sarili nitong republika.
Hakbang na aniya’y dulot ng lumalalang pagkakabaha-bahagi sa bansa matapos ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ng pagbasura ng ICC Appeals Chamber sa hiling ni Duterte para sa pansamantalang paglaya, nag-post si Bondoc ng, “Republic of Mindanao, coming soon.”
Ang mensahe ay umani ng mahigit 56,000 positive reactions at 14,000 laugh reacts, karamihan mula sa pro-Duterte supporters.
Sa panayam ng Bilyonaryo, iginiit ni Bondoc na ang naging desisyon ng ICC ay nagpakita umano ng “dalawang klaseng Pilipinas.”
“It really reveals na dalawa po talaga ang Pilipinas,” aniya.
“Ang mga pangyayaring ganito sa ating batas at kasaysayan ang patuloy na nagtutulak sa atin na magkahiwalay.”
May ilan pa umanong komento na nag-udyok na isama pati Visayas sa hiwalay na republikang iminungkahi.
Iginiit ni Bondoc na ang ICC ruling ay nagpalala sa “polarization” ng bansa, na makikita sa tila hindi pagkakapareho ng reaksiyon ng mga supporter at kritiko ng administrasyon.
Sinabi niyang matagal nang isinusulong ng kaalyado niyang si Rep. Kiko Barzaga ang ideya ng secession.
Dagdag pa niya, hindi lang politika ang pinag-uugatan ng sigalot, kundi maging kultura at kasaysayan, na aniya’y nagsimula pa noong panahon ng Kastila.
Bilang abogado, sinabi ni Bondoc na ang secession ay “extra-constitutional” ngunit hindi umano imoral.
“Hindi natin pwedeng pag-usapan within constitutional grounds dahil ito mismo ang magbabago ng Konstitusyon, ang teritoryo, populasyon, at depinisyon ng bansa,” paliwanag niya.
Gayunman, sa huling bahagi ng panayam ay umatras ang kanyang tono, sinabing hindi niya ito ipinipilit bilang solusyon, kundi isang “viable option” na dapat pag-usapan.
Hindi tinangkilik ng publiko ang panawagan ni Bondoc. Umulan ng batikos mula sa mga abogado at netizens na tinawag ang pahayag niya bilang “anti-Constitution” at “nakakatawa.”
Mariing kinondena ni Atty. Jesus Falcis ang pahayag ni Bondoc.
“Abugado pero nagtatawag ng pagwasak ng teritoryal na integridad at pagkakaisa ng Republika. Nanumpa pa ‘yan to defend the Constitution,” aniya.
Tinawag pa niya ang ideya ni Bondoc na posibleng “inciting to or conspiracy to commit sedition or rebellion,” at hinimok ang posibleng disbarment nito.
Marami ring netizens ang nagsabi na ang insidente ay patunay umano na “hindi lahat ng bar passers ay matalino.”
Hindi bago ang alegasyong may kinalaman sa sedisyon sa kampo ng mga Duterte. Nauna nang sinabi ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo na may alam umano siyang destabilization plot na kinasasangkutan ng Duterte family at ni Chavit Singson.
Si Bondoc ay naging tanyag noong early 2000s sa hit na “Let Me Be the One.” Nag-aral siya ng batas sa San Beda at UE, at pumasa sa bar noong 2023. Noong 2016, aktibo siyang kumampanya para kay Duterte at kalaunan ay nabigyan ng posisyon sa PAGCOR. (Arnold Pajaron Jr)
