RODRIGUEZ, Rizal — Arestado ang dalawang lalaki na kinilalang sina alyas “Kalbo” at “Eric” matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Sitio Maislap, Barangay San Isidro, madaling araw ng Nobyembre 7, 2025.
Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), dakong 1:40 a.m. nang isagawa ng kanilang Intelligence Team ang operasyon laban sa iligal na bentahan ng baril, na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek at pagkakakumpiska ng ilang ebidensya.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang P1,000 tunay na perang may serial number DP871322 na ginamit bilang marked money, at dalawang piraso ng boodle money; isang revolver (Cal. 22) na may tatak na “BLACK WIDOW 22 MAGNUM” ngunit walang serial number; apat na bala ng Cal. 22; at isang gray belt bag na ginamit sa transaksyon.
Ang buong operasyon ay naitala gamit ang Alternative Recording Device (ARD), at ang mga nakuhang ebidensya ay dinala na sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa ballistic examination.
Matapos basahan ng kanilang karapatang konstitusyonal, dinala ang mga suspek sa Casimiro Ynares Hospital sa Barangay Burgos para sa medical examination.
Kasalukuyan silang nakapiit sa Rodriguez MPS Custodial Facility sa Barangay San Jose at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Arnold Pajaron Jr)
