MANILA — Todo-bantay at naka-full alert na ang Philippine National Police (PNP) para sa inaasahang tatlong araw na malakihang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Rizal Park, Maynila mula Nobyembre 16 hanggang 18, 2025.
Ayon kay Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, tagapagsalita ng PNP, mahigit 10,000 pulis ang ipakakalat sa paligid ng Luneta para tiyaking walang gulo, walang aberya, at ligtas ang publiko sa naturang kilos-protesta na posibleng umabot sa 300,000 katao ang dadalo.
“Habang inaasahan nating magiging maayos at mapayapa ito bilang religious rally, handa pa rin tayo sa anumang posibleng emergency. Kaya may mga ambulansya at medical teams din sa lugar,” pahayag ni Tuaño.
Kasado na rin ang coordination meeting ng Manila Police District, pamahalaang lungsod ng Maynila, at pamunuan ng Rizal Park para plantsahin ang seguridad sa paligid ng lugar.
Labing-apat (14) na ambulansya ang itatalaga habang perimeter support naman ang ibibigay ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Originally, sa People Power Monument sa Quezon City gaganapin ang pagtitipon, pero sa liham na inaprubahan noong Oktubre 30, inilipat ito sa Rizal Park dahil sa dami ng inaasahang makikilahok.
Dagdag ni Tuaño, gagamitin ng PNP ang karanasan sa mga nakaraang INC rallies bilang batayan sa paglalatag ng seguridad.
May mga ulat din umano na sasama pa ang iba pang religious groups sa kilos-protesta, kaya’t tiniyak ng NCRPO na walang puwang sa karahasan o gulo sa tatlong araw na pagtitipon.
