Si dating PCGG chair Juan Andres Bautista
IDINEKLARA ng Commission on Audit (COA) na mananagot ang dating mga opisyal ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), kabilang si dating chair Juan Andres Bautista, dahil sa umano’y pagbebenta ng tatlong sequestered properties ng pamilya Marcos sa presyong mas mababa sa tunay na halaga, na nagdulot ng P190-milyong pagkalugi sa gobyerno.
Sa 16-pahinang desisyon, ibinasura ng COA ang petisyon ng mga dating opisyal ng PCGG at pinagtibay ang 2015 Notices of Charge (NCs) na may kabuuang halagang P190 milyon.
Kabilang sa mga pinanagot sina Nelson Acebo at Ronald Chua (dating mga PCGG commissioner), Richard Amurao (dating Bids and Awards Committee chair), at Alfredo Dela Paz (dating director ng Asset Management Division).
Ayon sa COA, kabilang sa mga ari-ariang ibinenta sa mababang halaga ang Banaue Inn Compound at JY Campos Compound sa Baguio City, at ang IRC Mapalad Property sa Parañaque City.
Batay sa ulat ng mga state auditor, ang tatlong property ay naibenta sa halagang 2.6% hanggang 37.3% na mas mababa sa minimum limit na itinakda ng COA Technical Services Office (TSO). Sa pagsusuri ng audit team, dapat ay P607 milyon ang kabuuang halaga ng mga naturang ari-arian, ngunit P417 milyon lamang ang aktwal na napagbentahan, dahilan ng P190-milyong pagkakaiba.
Ipinagtanggol ng mga opisyal ang kanilang desisyon, na anila’y batay sa “market data approach” o presyo ng mga katulad na property sa paligid noong panahong iyon. Gayunman, hindi tinanggap ng COA ang paliwanag at naglabas ng notices of charge laban sa kanila.
Sa desisyon, sinabi ng COA na hindi nabaon sa kawalan ang due process ng mga opisyal, kahit wala silang natanggap na kopya ng appraisal report sa paunang liham. Ayon sa komisyon, nabigyan sila ng sapat na abiso at pagkakataon upang maipaliwanag ang kanilang panig.
“Bilang mga aprubadong awtoridad at kasapi ng Bids and Awards Committee, dapat nilang siniguro na walang pagkalugi ang gobyerno sa bentahan ng mga ari-ariang ito,” ani ng COA.
Dagdag pa ng komisyon, hindi maaaring igiit ng mga dating opisyal na kumilos sila nang may mabuting loob o ayon sa regular na proseso dahil malinaw na nalugi ang pamahalaan sa transaksyon.
Bagama’t hindi pa tinutukoy ng COA ang mga susunod na hakbang, nakasaad sa mga regulasyon nito na ang mga charge ay dapat bayaran o maayos sa pamamagitan ng mga legal na paraan ng pag-areglo ng pananagutan. (MINA PADERNA)
