Ipinagyabang ng Department of Budget and Management (DBM) na sa wakas ay nakamit na raw ng Pilipinas ang 4% ng gross domestic product (GDP) na alokasyon para sa edukasyon, isang milestone na ayon sa kanila, katuparan ng pangarap ng bawat batang Pilipino. Maganda sana pakinggan, kung totoo.
Ngunit sa likod ng magarang anunsyo ay isang mapanlinlang na numero raw, mga ka-Sampaguita.
Ayon sa People’s Budget Coalition (PBC), kapag sinuri ang mga ahensiyang tunay na tumutok sa edukasyon, gaya ng DepEd, CHED, SUCs, TESDA, at Philippine Science High School eh 3.6% lang talaga ng GDP ang nailaan.
Saan galing ang “kulang” na 0.4%? Sa mga ahensiyang halos walang kinalaman sa pag-aaral, mga akademiya ng pulis, sundalo, at lokal na pamahalaan. Isinama rin sa kuwenta ng gobyerno ang budget ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Special Education Fund (SEF) ng mga LGU, kahit hindi ito bahagi ng pambansang badyet.
Kung ganito ang paraan ng pagsasabi ng “katotohanan,” hindi ba’t ito ay isang accounting magic na nilagyan ng pambatang balot? Sonabagan!
Ang ipinapakita ng DBM ay hindi malasakit, kundi manipulasyon ng numero para magmukhang maayos ang rekord ng administrasyon.
Sa ilalim ng makintab na mga presentasyon at press release, nananatiling gutom ang sektor ng edukasyon.
Bakit kanyo?
Eh, may mga guro na kulang sa sahod, mga mag-aaral na siksikan sa silid-aralan at mga batang hindi pa pa marununong bumasa kahit nasa elementarya na.
Mantakin ninyo tumataas naman taon-taon ang budget ng DepEd, pero ayon sa EDCOM 2, mula 21% average growth ay bumagal ito sa 1.33% kada taon. Ang tinatawag na “pagtaas” ay halos pantakip lang sa inflation, hindi sa lumalalim na problema ng sistema.
Ang mas masakit, ginagamit pa ng gobyerno ang pangalan ng mga bata para bigyang-katwiran ang kakarampot na ambag nito sa edukasyon.
“To save our children,” sabi ni Secretary Pangandaman. Pero paano mo maililigtas ang mga bata kung ang pondong dapat sa kanila ay ginagawang palamuti ng estadistika?
Ang totoo, hindi pa rin natin natutugunan ang pamantayan ng UNESCO na 4–6% ng GDP para sa edukasyon.
Naku ha!
Hindi sapat ang palusot. Hindi sapat ang press release. Hindi sapat ang ilusyon. Hangga’t mas inuuna ang pagpapaganda ng numero kaysa sa tunay na reporma, mananatiling aral na hindi natutunan ng pamahalaan ang halaga ng edukasyon at sa huli, ang mamamayan pa rin ang babagsak sa remedial. Tsk!
