SA wakas mga Cabalen, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang umamin na mabagal, magulo, at puno ng katiwalian ang sistema ng pagpapatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kaya raw niya inutusan na ipasa na lang sa local government units (LGUs) ang tungkulin, isang hakbang na umano’y magpapabilis sa mga proyekto at magpapatigil sa “ghost projects.”
Magandang pakinggan. Pero gaya ng maraming “reporma” sa gobyerno, dapat itong lapatan ng masusing pagtingin.
Hindi lihim sa publiko na ang DPWH ay matagal nang tinuturing na pugad ng anomalya. Magmula sa kickback sa kontrata, ghost projects, hanggang sa substandard na mga imprastraktura. Kung tutuusin, tama si Marcos Jr. na kailangang wakasan ang ganitong sistema. Pero ang tanong, talaga bang mas malinis ang LGUs?
Sa ilalim ng bagong scheme mga Cabalen, ang pondo ng pambansang pamahalaan ay direktang “ida-download” sa mga lokal na opisina.
Ibig sabihin, mas malaking kontrol at diskarte ang mapupunta sa mga mayor at gobernador. Ngunit kung walang sapat na transparency at oversight, baka ang dating problema sa DPWH ay lumipat lang ng tirahan. Mula sa national corruption patungo sa local corruption.
Ang sinasabing “mas mabilis at mas mura” ay totoo lang kung may matino at maayos na pamamahala sa mga LGU. Pero paano kung hindi? Paano kung ang pondong pang-eskuwelahan ay mauwi sa political favor, patronage, o padulas sa mga kontratista?
Sa totoo lang, matagal nang ginagamit ng mga politiko ang proyekto ng paaralan bilang photo-op at campaign trophy. Kung wala pa ring mahigpit na audit at pananagutan, magbabago lang ang mukha ng problema, pero mananatili ang bulok na sistema.
Kung seryoso si Pangulong Marcos Jr. na linisin ang sistema, hindi sapat ang simpleng paglipat ng responsibilidad. Kailangan ng matibay na mekanismo ng transparency at public accountability — mula sa pag-download ng pondo hanggang sa mismong paglalagay ng hollow blocks.
Sa ngayon, mukhang tama ang direksyon ni Pangulong PBBM, pero kung walang kasunod na check and balance, baka sa bandang huli, ang tanging magbabago lang ay kung sino ang kumikita sa proyekto. Naloko na, mga Cabalen.
