MULING pinatunayan ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo na siya pa rin ang hari ng floor exercise matapos masungkit ang bronse sa men’s floor exercise finals ng 2025 FIG Artistic Gymnastics World Championships nitong Biyernes, Oktubre 24.
Nagrehistro ang 25-anyos na si Yulo ng 14.533 puntos — mula sa 8.633 sa execution at 5.900 sa difficulty — para masungkit ang unang medalya ng Pilipinas sa prestihiyosong torneo.
Pinangunahan ng Great Britain ang podium, sa pangunguna ni Jake Jarman (14.866), na may dugong Pilipino, habang pumangalawa si Luke Whitehouse (14.666) para sa pilak.
Ang Pride of Leveriza, Manila ay muling sasabak ngayong Sabado, Oktubre 25, para sa men’s vault finals kung saan inaasahang magdadagdag siya ng isa pang medalya.
Matatandaang pinagharihan din ni Yulo ang parehong event sa 2021 World Championships sa Kitakyushu, Japan, kung saan nakasungkit din siya ng pilak sa parallel bars. (RON TOLENTINO)
