ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Secretary Gilbert Cruz bilang bagong administrator ng Office for Transportation Security (OTS), base sa dokumentong inilabas ng Malacañang.
Kinumpirma ni Cruz sa mga mamamahayag ang kanyang bagong posisyon.
Batay sa appointment paper na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Oktubre 22, papalitan ni Cruz si Arthur V. Bisnar bilang pinuno ng OTS, ang ahensiyang responsable sa seguridad sa mga paliparan at iba pang pasilidad ng transportasyon sa bansa.
Bago ang kanyang bagong tungkulin, pinangunahan ni Cruz ang matagumpay na kampanya ng gobyerno laban sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) noong nakaraang taon bilang opisyal ng PAOCC.
Ang kanyang karanasan sa pagpapatupad ng batas at anti-crime operations ay inaasahang magbibigay ng mas mahigpit na seguridad sa mga paliparan at transport hubs ng bansa. (MINA PADERNA)
