SUMIKLAB ang isang sunog sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Barangay Pinyahan, Quezon City nitong Miyerkules, Oktubre 22, sa gitna ng mainit na kontrobersiya hinggil sa umano’y multi-bilyong pisong anomalya sa mga flood control projects ng ahensya.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy dakong 12:39 ng tanghali sa DPWH Bureau of Research and Standards (BRS), ang tanggapan na responsable sa pananaliksik, pagsusuri, at paggawa ng mga polisiya para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.
Mabilis na kumalat ang apoy at umabot sa third alarm pagsapit ng 12:56 p.m., ngunit nakontrol ito ng mga bombero bandang 1:34 p.m. at tuluyang naapula pagsapit ng 1:49 p.m.
Sa kabila nito, iginiit ng DPWH na walang nasunog na dokumento kaugnay ng kasalukuyang imbestigasyon sa katiwalian.
Batay sa paunang imbestigasyon, sanhi umano ng sunog ang sumabog na computer unit sa loob ng Materials Testing Division.
Gayunman, iniutos ng Office of the Ombudsman sa National Bureau of Investigation (NBI) at BFP na alamin kung may elementong arson o sinadyang pagpapasunog sa insidente.
Ngunit kahit pa tinawag itong “aksidente,” maraming netizen ang nakataas ang kilay sa “masamang timing” ng sunog.
Sa mga online comment, marami ang nagdududa kung ito ba ay ‘nagkataon lang’ o sadyang paraan para burahin ang ebidensiya.
Sa isang pagdinig sa Senado, sinabi ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Commissioner at dating DPWH Secretary Babes Singson.
“I hope it is not arson,” aniya.
Samantala, binigyang-diin ni ICI Chairperson Andres Reyes na batay sa rekord, “hindi flood control-related” ang nasunog na opisina, ngunit iginiit niyang, “There is the tendency for criminals to burn down the office… I told COA to secure all records.”
Noong Setyembre 22, iniulat ng ICI na nakatanggap ito ng mga ulat ng malawakang pagsira at pagtamper sa mga opisyal na dokumento ng DPWH kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood control projects, dahilan upang lalong lumakas ang suspetsa ng publiko sa nangyaring sunog. Kasabay ng lumalalang isyu ng katiwalian, tila nagbaga rin ang pagdududa ng taumbayan.
