Photo credit: Kapihan sa Manila Bay with Marichu Villanueva/FB
HANDANG ituloy ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sakaling baliktarin ng Korte Suprema ang naunang desisyon nitong nagdeklara na unconstitutional ang Articles of Impeachment laban sa bise presidente.
Ito ang pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Miyerkules sa Kapihan sa Manila Bay, matapos tanungin kung posibleng muling buhayin ng Senado ang impeachment proceedings.
“Personally, yes, the answer is in the affirmative. The Senate itself, yes. If the SC says they are reversing their decision, then we will move to reclaim the Articles of Impeachment from the archives,” ani Sotto.
Noong Agosto, bumoto ang Senado ng 19 pabor, 4 tutol, at 1 abstain upang ilagak sa archive ang impeachment complaint laban kay Duterte, alinsunod sa desisyong inilabas ng Korte Suprema.
Na-impeach si Duterte ng House of Representatives noong Pebrero 5, 2025, sa boto ng mahigit 200 kongresista, dahil umano sa betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang mabibigat na krimen.
Mariing itinanggi ni Duterte ang mga paratang at nagsumite ng “not guilty” plea, tinawag pa niyang “scrap of paper” ang impeachment complaint.
Ayon sa desisyon ng Korte Suprema, labag sa one-year rule ang reklamo at lumabag ito sa karapatan ni Duterte sa due process. Nilinaw rin ng korte na hindi nito inabsuwelto ang bise presidente sa mga akusasyon, at pinahihintulutan ang paghahain ng bagong reklamo pagsapit ng Pebrero 6, 2026.
Nagpasa naman ng motion for reconsideration ang House of Representatives, iginiit na dapat nitong magampanan ang eksklusibong tungkulin na mag-usig sa mga impeachable officials, habang tungkulin naman ng Senado na isagawa ang paglilitis.
Hanggang ngayon, tatlong motion for reconsideration na ang inihain sa Korte Suprema kaugnay ng nasabing desisyon, isa mula sa mga orihinal na complainant, isa mula sa Mababang Kapulungan, at ang pinakahuli mula sa 1Sambayan coalition na kinabibilangan nina dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales at dating Senior Associate Justice Antonio Carpio.
Humihiling ang mga ito na maglabas ang SC ng status quo ante order at magtakda ng oral arguments sa nasabing kaso. (MINA PADERNA)
