NAARESTO ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Tarlac ang dalawang suspek sa umano’y P93-milyong investment scam sa loob ng isang Starbucks branch sa Marquee Mall, Angeles City, Pampanga kamakailan lang.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek sa alyas na “Joyce” at “Mauris”, na nahuli sa isinagawang entrapment operation ng CIDG Tarlac Provincial Field Unit 3 sa pamumuno ni Police Major Arvin Hosmillo.
Ayon sa ulat, inaresto ang dalawa matapos tanggapin ang marked money mula sa mga biktimang nagsampa ng reklamo. Batay sa reklamo, ang mga ito ay naloko umano sa isang investment scheme na umabot sa higit P93 milyon.
Narekober sa operasyon ang mga cheque na nagkakahalaga ng P18 milyon, boodle money, marked bills, at mga cellphone na ginamit sa transaksyon.
Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 (Swindling/Estafa) ng Revised Penal Code.
“Ipinapakita ng operasyong ito ang patuloy naming dedikasyon na papanagutin ang mga taong nagsasamantala sa tiwala ng iba sa pamamagitan ng mapanlinlang na mga gawain,” ayon kay Police Colonel Grant A. Gollod, hepe ng CIDG Regional Field Unit 3.
Patuloy ang imbestigasyon ng CIDG upang matukoy kung may iba pang kasabwat sa naturang scam. (MINA PADERNA)
