IBINASURA ng Office of the Ombudsman ang kasong kriminal laban kay dating Cebu Governor Gwendolyn Garcia kaugnay ng umano’y iregularidad sa desilting project sa Mananga River.
Batay sa 25-pahinang desisyon na inilabas noong Agosto 29, tinukoy ng anti-graft body na kulang sa probable cause ang reklamo na inihain laban kay Garcia sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019).
Ayon sa Ombudsman, walang sapat na ebidensya na magpapatunay na nagkaroon ng “improper conduit” o sinadyang paglabag sa batas sa pag-isyu ni Garcia ng special permit para sa proyekto.
“Under the circumstances and absent any clear showing of improper conduit or willful disregard of the law, any allegation seeking to ascribe administrative, civil, or criminal liability is devoid of legal and factual basis,” ayon sa bahagi ng desisyon na pirmado ng mga miyembro ng Special Panel of Investigators na sina May DL de Guzman, Corinne Joie Garillo-Arellano, Ryan Silvestre, Mark Angelo Dolo, at Ryan Medrano.
Kabilang din sa mga pinawalang-sala ng Ombudsman ay si Anthony James Limchesing, may-ari ng Shalom Construction Inc., na siyang kumpanyang nagsagawa ng desilting sa ilog.
Ang reklamo ay isinampa ni Moises Deiparine, na nagsabing lumabag ang administrasyon ni Garcia sa mga batas pangkalikasan matapos payagan ang Shalom Construction Inc., isang kumpanyang nakabase sa Liloan, na magsagawa ng proyekto sa mga bahagi ng Central Cebu Protected Landscape (CCPL).
Ayon naman sa kampo ni Garcia, isinagawa ang proyekto bilang tugon sa kakulangan ng suplay ng tubig sa Metro Cebu sa kasagsagan ng El Niño noong 2024, at tiniyak nilang sumunod ito sa lahat ng batas at regulasyong pangkapaligiran.
Samantala, patuloy namang dinidinig ng Ombudsman ang katulad na kasong administratibo laban kay Garcia kung saan pinagmumulta siya ng hanggang P1.2 milyon.
Naghain na ng motion for reconsideration ang dating gobernador sa naturang kaso. (MINA PADERNA)
