SA gitna ng lumalalang sigalot sa loob ng Government Service Insurance System (GSIS) at pangamba ng mga kawani ng gobyerno hinggil sa umano’y limitadong buhay ng pondo hanggang 2058, nananatiling walang malinaw na pasya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kapalaran ni GSIS President Jose Arnulfo Veloso, na sinasabing isa ring donor noong panahon ng kampanya.
Ayon sa Malacañang, patuloy pang sinusuri ng Pangulo ang sitwasyon sa GSIS at tinitingnan ang mga paratang laban kay Veloso, na kasalukuyang humaharap sa mga batikos dahil sa umano’y P8.8 bilyong investment losses at kakulangan ng transparency sa pamumuno.
Ang kaguluhan sa loob ng GSIS board ay humantong sa pagbibitiw noong Oktubre 14 ng tatlong miyembro ng board na sina Merceditas Gutierrez, Emmanuel Samson, at Rita Riddle, na epektibo sa oras na maitalaga ang kanilang mga kapalit.
Matapos lamang ang tatlong araw, Oktubre 17, agad na nagpatupad ng reorganisasyon si Marcos sa board sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga bagong opisyal upang mapatatag ang pamunuan ng GSIS.
Ayon sa mga ulat, ang mabilis na pagpapalit ng mga board members ay layong maiwasan ang mas malalim na krisis sa ahensya, sa halip na direktang tanggalin si Veloso sa puwesto.
Mariing itinanggi ni Veloso ang mga paratang na may kinalaman siya sa P8.8 bilyong pagkalugi sa investments, kabilang na ang umano’y paglalagak ng pondo sa mga online gambling ventures.
Gayunman, ang ilan sa mga bagong appointees ay kabilang sa grupo na una nang nanawagan ng kanyang agarang pagbibitiw dahil sa umano’y mapanganib na investment strategies at kakulangan ng transparency.
Bago ang kanilang pagbibitiw, sina Gutierrez, Samson, at Riddle, kasama ang ilang kasalukuyan at dating miyembro ng board, ay lumagda sa isang liham na humihiling ng “immediate and irrevocable resignation” ni Veloso.
Inakusahan nila ang GSIS chief ng “one-man control” sa pamumuno at ng pagtatangkang umiwas sa board review sa pamamagitan ng paghahati-hati ng investment transactions para hindi umabot sa halagang nangangailangan ng approval ng board.
Dagdag pa ng mga trustee, ginagamit umano ni Veloso ang mga administrative process bilang sandata laban sa mga board members na tumutupad lamang sa kanilang tungkulin na magbantay sa pondo.
Sa kanyang liham ng pagbibitiw, sinabi ni Gutierrez na hindi na posible ang produktibo at maayos na ugnayan sa kasalukuyang pamunuan. Si Samson naman ay tumukoy sa maraming pagkakaiba sa polisiya, habang si Riddle ay binanggit ang kawalan ng transparency at pananagutan.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Veloso na handa lamang siyang magbitiw kung mismong ang Pangulo ang mag-uutos.
Tinawag niyang “malisyoso” ang mga paratang, partikular ang isyu ng split investments, at iginiit na ang ganitong transaksyon ay bahagi ng lehitimong operasyon ng pondo.
“Ang investments na nasa loob ng pinapayagang limit ay maaaring gawin araw-araw. Kailangan iyon para mabilis tayong makasabay sa galaw ng merkado,” aniya. Dagdag pa ni Veloso, “Kung hindi mo naiintindihan ang investments, doon tayo magkakaroon ng problema.”
Ipinahayag din niyang transparent ang lahat ng transaksyon at bukas sa pagsusuri ng board. Gayunman, sa isang pahayag noong Oktubre 19, iginiit ng mga trustee na ang ipinagmamalaking “narrative of success” ni Veloso ay nakabatay umano sa maling datos.
Ayon sa kanila, ang paglago ng pondo ay dulot ng non-cash revaluation ng mga ari-arian at taunang premium collections, hindi ng aktibong pamumuhunan.
“Ang paglago ng pondo ay dahil sa structural inflows, hindi dahil sa strategic financial management,” anila.
Noong Hulyo 2025, pansamantalang sinuspinde ng Ombudsman si Veloso at anim pang opisyal ng GSIS kaugnay ng P1.45-bilyong investment sa Alternergy Holdings Corp. na inireklamo sa pamamagitan ng isang anonymous complaint. Kabilang sa mga sinuspinde ay ilang executive vice presidents at vice presidents ng ahensya.
Layon ng suspensyon na maiwasan ang panghihimasok sa imbestigasyon, ngunit ibinalik sila sa puwesto noong Setyembre matapos ideklarang walang sapat na batayan ang patuloy na suspensyon.
Ang GSIS, na namamahala sa halos P2 trilyong pondo ng milyun-milyong kawani ng gobyerno, ay kasalukuyang nasa sentro ng kontrobersiya.
Sa kabila ng mga alegasyon, nananatiling tahimik si Pangulong Marcos Jr., at ang kawalan ng agarang aksyon mula sa Malacañang ay nagdudulot ng pangamba sa publiko hinggil sa direksyon ng ahensya at sa seguridad ng kanilang pensiyon.
Habang patuloy na pinanghahawakan ni Veloso ang kanyang posisyon, umaasa ang mga miyembro at pensioners na sa lalong madaling panahon ay malinawan ng Pangulo ang tunay na kalagayan ng pondo na pinaglaanan nila ng buong buhay na serbisyo.
