SINAMPAHAN ng kasong plunder at graft sa Office of the Ombudsman si dating Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson at 15 iba pa dahil umano sa maanomalyang pagbili ng lupain at ilegal na paggamit ng pampublikong lugar sa bayan.
Ang reklamo ay inihain ng grupong Warriors Ti Narvacan Inc. na pinamumunuan ni Atty. Estelita Cordero. Sa kanilang plunder complaint, iginiit nilang si Singson, kasalukuyang Mayor Edna Sanidad, Vice Mayor Pablito Sanidad Sr., mga miyembro ng Sangguniang Bayan, Municipal Assessor Arlene Debina, at negosyanteng si Raymond Ang ng Western Textile Mills ay sabwatan umanong niloko ang lokal na pamahalaan.
Ayon sa reklamo, binili umano ng LGU ng Narvacan ang 99,974-square meter na lupa mula kay Ang sa halagang P149.96 milyon kahit ang aktuwal na halaga nito, base sa zonal valuation, ay nasa P49.98 milyon lamang na halos P100 milyong overprice.
“Si Singson ang itinuturong pangunahing plunderer na nagpasimula at nakipagnegosasyon sa transaksyon, habang ang mga opisyal ng LGU at si Ang ay nagsilbing mga kasabwat,” ayon sa reklamo. Dagdag pa rito, nabanggit na bigo umanong magsumite ng financial statements ang LGU mula 2019 hanggang 2022 na indikasyon umano ng iregularidad.
Hiniling ng grupo sa Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder, pagpataw ng preventive suspension kay Mayor Edna Sanidad, lifestyle check sa mga respondent, at pagbabayad ng ₱99.97 milyon bilang kabayaran sa overprice.
Giit ng mga complainant, ang lupa ay dating pag-aari ng Western Textile Mills na donasyon ng mga pribadong indibidwal sa National Development Company (NDC) para sa industriyal na paggamit ngunit ibinenta umano ni Singson nang labag sa kasunduan ng mga donor.
Itinanggi naman ni Singson ang mga paratang at tinawag itong “diversionary tactic.”
“Sa palagay ko may nagpapaandar sa kanila… kung totoo yan, I’m ready to go to jail,” pahayag ni Singson sa isang panayam.
Dagdag niya, siya pa raw ang nalugi sa transaksyon.
“Instead na kumita ako, nalugi pa ako diyan. Ako pa ang kinokomplain,” aniya.
Bukod dito, naghain din ng graft complaint ang grupo laban kina Singson; Robert Dean Barbers, dating general manager ng Philippine Tourism Authority; Luzviminda Ramos, manager ng Narvacan Tourism Lodge; at Rosemarie Jornacion, Provincial Environment and Natural Resources Officer ng Ilocos Sur.
Ayon sa reklamo, ilegal umanong inookupa at pinribatisa ng mga respondent ang foreshore area sa Sulvec, Narvacan, na kilala bilang “Santorini,” sa pamamagitan ng pagtatayo ng resort structures nang walang kaukulang permit o environmental clearance.
Hiniling ng mga complainant ang pagbabasura ng umano’y kuwestiyonableng 2008 Deed of Sale, pagpapanagot sa mga sangkot na opisyal, at demolisyon ng mga istruktura upang maibalik ang pampublikong akses sa lugar.
Patuloy pang tinatangka ng Agila ng Bayan na kunin ang pahayag ng iba pang mga respondent sa reklamo.
