BUO ang suporta ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang sa panukalang pagtatatag ng isang hiwalay na ahensya ng gobyerno na tututok lamang sa pamamahala ng water resources o mga pinagkukunan ng tubig sa bansa.
Ginawa ni Dizon ang pahayag sa pagdinig ng Senate Committee on Finance kaugnay ng panukalang P625.78 bilyong pondo ng DPWH para sa fiscal year 2026.
“I think the President himself has supported this initiative… We fully support the creation of a separate ‘Department of Water’ that will handle this,” ani Dizon bilang tugon kay Senador JV Ejercito, na nagtulak ng nasabing mungkahi.
Ayon kay Dizon, “kailangan po talaga” ang naturang ahensya upang mas epektibong mapangasiwaan ang mga proyekto sa tubig at kontrol sa pagbaha sa buong bansa.
Para naman kay Ejercito, panahon na umano upang pag-isahin sa ilalim ng isang full-fledged department ang lahat ng proyektong may kinalaman sa water management.
“It’s about time that we really put up all projects for water management under one full-fledged department. Masyado nang malaki ang DPWH. Sa laki nga, hindi niyo na po ma-monitor, kaya nga siguro may nakakalusot,” ani Ejercito.
Ang panukalang “Department of Water” ay inaasahang magbibigay ng mas sentrong pamamahala sa mga programang may kinalaman sa irigasyon, flood control, at pangangalaga ng mga yamang-tubig, mga tungkuling kasalukuyang hinahawakan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
