Hindi na bago ang korapsyon sa Pilipinas. Pero iba na ang sukat ng kasamaan na nilalantad ngayon.
Biruin ninyo mga ka-Sampaguita, trilyong piso para sa mga flood control projects na dapat sana’y nagpoprotekta sa mga mamamayan, pero nauwi umano sa mga bulsa ng iilang makapangyarihan.
At habang binabaha ang mga lansangan, nilulunod din ng sistema ang pag-asa ng sambayanan.
Tila naging ugali na lang ng lipunan ang tanggapin na “normal” ang katiwalian. Noon, BIR at Customs lang ang usapan, ngayon, buong gobyerno na ang may bahid ng katiwalian.
Ang masakit, bawat pisong ninanakaw ay perang galing sa pawis ng mga ordinaryong Pilipino. Tayong mga nagbabayad ng buwis, nagdurusa sa trapik, nagtitipid sa kuryente, at ngayon ay binabaha pa.
Hindi na ito basta simpleng anomalya mga ka-Sampaguita. Ito’y ogranisadong kasakiman, na lumago dahil sa kawalan ng hustiya.
Mula pa noong panahon ni Marcos Sr, hanggang kina Arroyo, Duterte at ngayo’y Bongbong Marcos, paulit-ulit ang eskandalo, ang haba-haba ng imbestigasyon pero sa dulo, walang nakukulong. Makulong man, eh nakakalaya rin.
Ngayong, habang lumulubog ang mga bayan, milyon-milyong Filipino ang nagdurusa eh patuloy naman ang mga mandarambong kung sino ang dapat sisihin. Palagi nilang inililihis ang totoong isyu hanggang sa makalamutan at matabunan na ang totoong isyu.
Tama si Cardinal Ambo David nang sabihing, “Huwag sunugin ang bahay para lang mapalayas ang daga.” Pero kung patuloy na binabalewala ang mga daga at lalong lumalaki baka wala nang bahay na matira.
Ang mas nakakatakot, ginagamit pa ng ilang pulitiko ang krisis para sa pansariling kapakanan, may panawagan ng snap elections, may pagtatangkang takpan ang isyu ng impeachment ni VP Sara Duterte, at may mga pwersang gustong pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.
Ngunit habang sila ay nag-aaway sa kapangyarihan, ang taumbayan ang tunay na talunan. Kawawang-kawawa na ang Mahal kong Pilipinas.
Kaya ngayon, kailangan nating itanong. Hanggang kailan natin titiisin ang ganitong klaseng pang-aabuso? Hanggang kailan tayo magpapaloko sa mga mukhang may malasakit pero kamay ay nakasawsaw sa kaban ng bayan?
Ang bansa ay hindi lang binabaha ng ulan, binabaha tayo ng kasinungalingan, kawalanghiyaan, at kawalang pananagutan.
At kung hindi tayo kikilos, baka sa susunod na baha, hindi na tubig ang lulunod sa atin, kundi ang sariling kahihiyan.
