Isang magnitude 6.0 na lindol ang yumanig sa lalawigan ng Surigao del Norte at mga karatig-probinsiya nitong Biyernes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Batay sa ulat ng ahensya, tumama ang tectonic earthquake sa layong 13 kilometro timog-silangan ng bayan ng General Luna bandang alas-7:03 ng umaga, na may lalim na 10 kilometro.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, posibleng nagmula ang pagyanig sa Philippine Trench, ngunit sa ibang segment ng fault line. Nilinaw rin niyang walang banta ng tsunami kasunod ng lindol.
“We felt a sudden strong shake, but it was only for a very short time,” ayon kay Ralph Cadalena, isang rescuer mula sa Surigao del Norte. Wala ring agarang ulat ng pinsala o nasawi matapos ang pagyanig.
Naramdaman ang pagyanig sa Intensity 5 sa mga bayan ng Basilisa, Cagdianao, Dinagat, San Jose (Dinagat Islands) at Claver, Surigao del Norte.
Samantala, Intensity 4 naman ang naitala sa ilang bahagi ng Southern Leyte gaya ng Anahawan, Hinunangan, Hinundayan, Liloan, Pintuyan, Saint Bernard, San Francisco, San Juan, San Ricardo, at Silago; gayundin sa Butuan City, Libjo at Tubajon sa Dinagat Islands, at Surigao City.
Naramdaman din ang Intensity 3 sa Leyte (Abuyog, Dulag, Palo, at Tacloban City) at Agusan del Norte (Nasipit), habang Intensity 2 sa ilang bahagi ng Leyte, Bukidnon, Cagayan de Oro City, at Davao de Oro.
Una nang inireport ng Phivolcs na magnitude 6.2 ang lakas ng lindol ngunit kalaunan ay ibinaba sa 6.0 matapos ang masusing pagsusuri.
Ang naturang pagyanig ay kasunod ng serye ng malalakas na lindol sa Mindanao noong nakaraang linggo, kabilang ang magnitude 7.4 at 6.7, na ikinasawi ng hindi bababa sa walo katao. Ilang araw bago iyon, isang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu ang pumatay ng 76 at sumira sa mahigit 72,000 kabahayan, batay sa datos ng pamahalaan.
Paalala ng mga eksperto, likas na bahagi ng “Pacific Ring of Fire” ang Pilipinas, kaya’t halos araw-araw ang naitatala nitong mga pagyanig.
Noong 1976, isang magnitude 8.0 na lindol sa Mindanao ang nagdulot ng tsunami na kumitil ng 8,000 buhay—ang pinakamatinding kalamidad sa kasaysayan ng bansa.
