Sa halip na pagdiriwang, protesta ang isinagawa ng mga nars, health workers at mga taga-komunidad sa harap ng Department of Health (DOH) sa paggunita ng Nurses Week, upang isiwalat ang matinding hirap at kawalang katarungan na dinaranas nila sa ilalim ng gobyerno.
Bitbit ang mga plakard at panawagang “Itaas ang sahod, itigil ang kurapsyon!,” inihayag ng grupong Filipino Nurses United (FNU) ang desperadong kalagayan ng mga nars sa bansa.
“Araw-araw, 20 o higit pang pasyente ang inaalagaan ng bawat nars kada duty. Mababa ang sahod, kulang sa pahinga, at madalas walang bayad ang overtime. Mismong mga tagapag-alaga ng may sakit, nagkakasakit na rin,” pahayag ng FNU.
Kasama ng FNU, binatikos din ng Health Alliance for Democracy (HEAD) at iba pang organisasyon ang malalang kakulangan ng sweldo at benepisyo ng mga health workers, pati na rin ang pagbabale-wala ng gobyerno sa serbisyong pangkalusugan.
Mariin nilang kinondena ang kawalan ng libreng gamot at pagpapagamot sa mga ospital ng gobyerno, habang, anila, bilyon-bilyong piso ang kinukurakot ng mga tiwaling kongresista, senador, at maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mismo.
Ayon sa mga grupo, nakikinabang din umano sa korapsyon ang mga pamilyang dinastiya, kontraktor, at negosyanteng kaalyado ng mga nasa poder.
Giit ng mga raliyista, kung may pondo para sa pork barrel, intelligence funds, at luho ng mga politiko, dapat may pondo rin para sa mga nars na araw-araw lumalaban para sa buhay ng iba.
“Habang may mga politiko na ginagawang negosyo ang kaban ng bayan, kami namang mga manggagawang pangkalusugan ay patuloy na nilalapastangan,” sigaw ng isang lider ng grupo sa kilos-protesta.
