LUBOS ang pasasalamat ng mga pamilya ng dalawang motorcycle riders na nasawi sa aksidente sa Marcos Highway, Barangay Santolan, Pasig City, matapos silang makatanggap ng agarang insurance payout mula sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang nasabing aksidente ay naganap noong Oktubre 14, at makalipas lamang ng dalawang araw (noong Oktubre 16), ay naibigay na ang insurance payment sa pamamagitan ng Passenger Accident Management & Insurance Agency (PAMI), na pinamumunuan ni President at CEO Bunny Atayde, sa tulong ng Operations Manager na si Bong Nocum.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, agad na inatasan ni DOTr Acting Secretary Giovanni Z. Lopez ang LTFRB na tulungan ang mga pamilya ng mga biktima, na parehong mga security guard na pauwi na galing trabaho nang mangyari ang trahedya.
“Agad nating tinulungan ang pamilya ng mga biktima, at nagpapasalamat tayo sa PAMI sa kanilang mabilis na aksyon upang agad ma-release ang insurance payment,” ani Chairman Mendoza.
“Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. na tiyaking natutulungan ang mga kababayan nating nangangailangan,” dagdag pa niya.
Batay sa ulat, bumangga ang motorsiklo sa isang pampasaherong jeepney na nag-U-turn sa kalsada. Sa lakas ng impact, tumilapon at gumulong sa kalsada ang dalawang sakay ng motorsiklo. Idineklarang dead-on-the-spot ang babaeng backrider, habang nasawi naman sa ospital ang lalaking driver.
Nakakuha ng P100,000 insurance payout ang bawat pamilya mula sa PAMI, habang nagbigay rin ng ₱25,000 karagdagang tulong si Chairman Mendoza.
“Malapit sa puso ni Secretary Lopez ang mga manggagawang nagsusumikap para sa kanilang pamilya. Kaya agad niyang iniutos na tulungan ang mga biktima,” ani Mendoza.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga kapatid ng mga biktima sa mabilis na aksyon ng DOTr at LTFRB.
“Maraming salamat po kay Secretary Banoy at kay Chairman Vigor sa mabilis na tulong. Malaking ginhawa po ito sa aming pamilya,” ani Rodalyn de Jose, kapatid ng nasawing rider.
Dagdag pa ng kapatid ng babaeng biktima,
“Taos-puso kaming nagpapasalamat kay Secretary Lopez at kay Chairman Mendoza. Sana ay magpatuloy ang ganitong uri ng malasakit sa mga ordinaryong mamamayan.”
Binigyang-diin ni Chairman Mendoza na itutuloy ng LTFRB ang adbokasiya para sa mabilis at sapat na insurance payment sa lahat ng biktima ng aksidente sa kalsada.
“Tapusin na natin ang maling sistema na napapabayaan ang mga pamilya habang baon na sa utang. Titiyakin natin na hindi na maghihintay ng taon bago maibigay ang nararapat na tulong,” pagtatapos ni Mendoza. (MINA PADERNA)
