DINUMOG ng mga kawani ng gobyerno ang bagong Digital Ginhawa Loan ng Government Service Insurance System (GSIS) sa unang araw ng paglulunsad nitong Biyernes, Oktubre 10, kung saan umabot sa 21,418 aplikasyon na nagkakahalaga ng P1.258 bilyon ang natanggap sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app.
Ayon sa GSIS, 9,461 aplikasyon na ang agad na naaprubahan na may katumbas na P565.7 milyong halaga ng loan. Inaasahan pang tataas ang bilang ng mga aplikasyon at aprubadong loan sa mga susunod na araw habang mas maraming miyembro ang gumagamit ng bagong digital platform.
Sa ilalim ng Digital Ginhawa Loan, maaaring makautang ang mga miyembro ng hanggang P60,000 para makabili ng laptop, tablet, o smartphone na magagamit sa trabaho o online productivity.
May 6% annual interest rate ito, na babayaran sa loob ng 36 buwan, at maaaring i-apply nang tuluyan paperless gamit ang GSIS Touch app.
“Ang digital loan na ito ay nagbibigay kapangyarihan sa ating mga miyembro na makasabay sa makabagong panahon at mapahusay ang kanilang trabaho—lahat sa loob lamang ng ilang tap sa GSIS Touch,” ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso.
Saklaw ng aplikasyon ang mga aktibong miyembro ng GSIS na may permanenteng appointment, walang kaso, hindi naka-leave without pay, at walang defaulted loans.
Ang mga aplikasyon ay online-certified ng Agency Authorized Officer (AAO) at direktang ipinapasok sa GSIS eCard o ATM account ng miyembro kapag naaprubahan.
May Loan Redemption Insurance (LRI) din ang programa na siyang magbabayad ng natitirang balanse kung sakaling pumanaw ang borrower habang maayos pa ang status ng loan.
Binanggit ni Veloso na ang naturang programa ay bahagi ng tuloy-tuloy na digital transformation ng GSIS na layuning maghatid ng mas mabilis, maginhawa, at mas abot-kayang serbisyo para sa mga kawani ng gobyerno sa buong bansa.
“Sa pamamagitan ng online services, sinisiguro naming mararanasan ng bawat lingkod-bayan ang tunay na ginhawa saan man sila naroroon, nang walang pila o papel na kailangang ayusin,” dagdag pa ni Veloso.
Ang Digital Ginhawa Loan ay eksklusibong maa-avail sa GSIS Touch app, na maaaring i-download mula sa App Store o Google Play. (MINA PADERNA)
