IBINAHAGI ni Mayor Johnielle “Kit” Nieto ang magandang balita para sa mga residente ng Upper Kwatro, Valley Golf, Barangay San Juan matapos maisakatuparan ng lokal na pamahalaan ng Cainta ang serye ng mga proyektong magpapabuti sa kabuhayan at serbisyo sa lugar.
Ayon kay Nieto, tatlong ektarya ng lupa ang binili ng munisipyo para sa mga residente ng komunidad, na maaari nilang bayaran sa gobyerno sa loob ng 25 taon nang walang interes.
“Isang oportunidad ito para magkaroon ng sariling lupa ang ating mga kababayan sa Upper Kwatro, nang hindi kailangang mangamba sa mataas na bayarin o interes,” ani Nieto.
Kasabay nito, inanunsyo rin ng alkalde na aprubado na ng Manila Water Company (MWC) ang matagal nang hinihiling na proyekto ng patubig para sa lugar.
“Matagal ko ring nilakad ‘yan sa MWC, at ilang linggo pa lang ang nakalipas, naaprubahan na ang installation. Tayo na mismo ang mangangasiwa kaya hindi na kailangang magparasyon ng tubig sa mga tanker,” pahayag ni Nieto.
Bukod sa patubig, ipinaabot din ng alkalde na halos lahat ng pangunahing kalsada sa Upper Kwatro ay nasemento na, at ang tatlong natitirang kalye ay kasalukuyan nang ginagawa.
“Nakakatuwa kasi nag-volunteer ang ilan sa kanila para tumulong, ‘yung iba naman nagpakain sa mga nagtatrabaho. Dahil doon, ganado ang mga teams ko at mabilis ang trabaho,” ani Nieto.
Tiniyak ni Nieto na bago sumapit ang Pasko, mararanasan na ng mga taga-Upper Kwatro ang malaking pagbabago sa kanilang pamayanan — “may ilaw, may tubig, may kalye, at may maayos na buhay.”
“Ito ang komunidad na binuo ng One Cainta government — sama-sama para sa ginhawa at pag-unlad ng bawat pamilya,” dagdag pa ng alkalde.
Sa ilalim ng One Cainta, patuloy ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay, imprastraktura, at serbisyo publiko na layuning maabot kahit ang mga pinakamalayong bahagi ng bayan.
