TINULIGSA ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang hiling para sa pansamantalang paglaya o interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa gitna ng patuloy na imbestigasyon kaugnay ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na ang desisyon ng ICC ay labag sa karapatang pantao ng dating pangulo, partikular sa karapatan nitong humarap sa paglilitis sa maayos na kalagayang pangkaisipan.
“Ang tingin ko, ‘yung desisyong ito ay labag sa karapatang pantao ni Tatay Digong — na dapat siya ay nasa tamang pag-iisip ‘pag siya ay haharap sa isang paglilitis,” ayon kay Roque.
Dagdag pa niya, malaking dagok umano ito hindi lamang kay Duterte kundi sa soberanya ng Pilipinas at sa karapatan ng bawat Pilipino na patas na mapakinggan sa ilalim ng batas.
“Malungkot pong balita ‘to, malungkot pong araw para sa mga Pilipino,” ani Roque.
Matatandaang naghain ng motion for interim release si Duterte upang pansamantalang makalaya habang dinidinig ng ICC ang kaso laban sa kanya. Gayunman, tinanggihan ito ng korte, dahilan upang ipagpatuloy ang detensyon ng dating pangulo sa ilalim ng mga alituntunin ng ICC.
Ang kaso laban kay Duterte ay kaugnay ng sinasabing libo-libong biktima ng patayan noong ipinatupad ang war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon, isang isyung patuloy na pinagdedebatehan sa pagitan ng mga tagasuporta at kritiko ng dating pangulo. (LIMUEL TOLENTINO)
