Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation–Cybercrime Division (NBI-CCD) ang isang vlogger matapos mag-post sa social media ng larawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may caption na “Headshot,” na itinuring ng mga awtoridad bilang banta laban sa Pangulo.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, agad na kumilos ang ahensya matapos matukoy ang post na umano’y may halong pagbabanta sa kaligtasan ni Marcos.
Kinilala ang vlogger bilang “Mike Romero,” na gumawa ng viral post nitong Oktubre 8, kung saan makikita ang Pangulo kasama ang ilang opisyal habang bumibisita sa Bogo City, Central Philippines matapos ang malakas na lindol.
Sa larawan, may pulang arrow mula sa salitang “Bogo” patungo sa ulo ni Marcos, kalakip ang caption na “Headshot.”
Ayon kay Santiago, kakasuhan si Romero ng inciting to sedition at grave threat, na parehong may minimum na parusang anim na taong pagkakakulong.
Bagaman may karapatan umano ang mga mamamayan sa malayang pananalita at pagpapahayag, binigyang-diin ni Santiago na may mga hangganan ito lalo na kung may kinalaman sa banta sa buhay ng Pangulo o Pangalawang Pangulo.
“Kapag sinabi mong ‘headshot’ sa mundo ng shooters at law enforcement, ibig sabihin ay tatamaan sa ulo — isang malinaw na pagbabanta,” paliwanag ng opisyal. (LIMUEL TOLENTINO)
