Nanindigan ang ilang grupo ng mga magsasaka nitong Martes na hindi sapat ang planong P17 hanggang P19 kada kilo na floor price para sa wet palay na kasalukuyang pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) sa pangunguna ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa isang press conference na ginanap sa Quezon City, iginiit ni Crisostomo Marzan ng Nagkakaisang Magsasakang Novo Ecijano (NAMANE) na luma na ang basehan ng gobyerno sa pagkalkula ng gastos sa produksyon ng palay.
“Ang ginagamit nilang estimate ay noong 2023 hanggang 2024 pa, P14 daw ang gastos sa isang kilo ng palay. Pero ngayon, 2025 na, halos triple na ang taas ng gastusin. Ang dating P800 sa pataba, halos P2,000 na ngayon,” paliwanag ni Marzan.
“Sa aming pagkukuwenta, nasa P70,000 ang gastos sa bawat ektarya.”
Kasama ng NAMANE sa panawagang ito ang mga grupo ng Amihan at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na nananawagan ng P20 kada kilo na minimum buying price para sa bagong aning palay.
Ayon sa KMP, kasalukuyang nasa P10 hanggang P12 kada kilo ang farmgate price ng fresh palay, malayo sa minimum production cost na P14 kada kilo. Dahil dito, lugi umano ang maliliit na magsasaka.
“Kung ‘yung imumungkahi ng DA ay P17, P18, o P19, kulang pa rin po. Sa hinihingi naming P20, doon lang kami magkakaroon ng kaunting kita,” giit pa ni Marzan.
Dagdag pa ng NAMANE, karamihan sa mga magsasaka ay walang sariling drying facilities o truck, dahilan para ibenta nila ang ani sa mga pribadong trader sa murang halaga dahil hindi nila maihatid ang produkto sa National Food Authority (NFA).
Nakapagtipon na umano ng halos 15,000 pirma ang grupo sa kanilang petisyon na isusumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siya ring kalihim ng Agrikultura, upang itaas sa P20 kada kilo ang floor price ng palay.
Samantala, sinabi ni Secretary Tiu Laurel na hinihintay pa nila ang executive order para maipatupad ang bagong floor price, na nakatakdang itakda sa minimum na P17 kada kilo para sa wet palay.
Ngunit ayon kay Tiu Laurel, mas nais umano ni Pangulong Marcos Jr. na itaas ito sa P18 o P19 kada kilo, bagay na ikinatuwa ng mga magsasaka ngunit sinabing hindi pa rin sapat upang makabawi sa tumataas na gastos sa produksyon.
