Ulat ni Limuel Tolentino
CEBU— Umani ng papuri mula sa netizens ang di matinag na kababaang-loob at pasasalamat ng mga Cebuano, matapos mag-viral ang mga larawan ng mga mamamayang patuloy na nagpapakita ng kabutihan at pasasalamat sa kabila ng hirap ng buhay.
Sa mga larawang kumalat online, makikita ang mga ordinaryong taga-Cebu na nag-aalok ng simpleng tulong at kabaitan, mula sa pagbibigay ng libreng paggamit ng palikuran, pamimigay ng bibingka at buko, hanggang sa taimtim na pagsasabi ng “thank you” sa kabila ng kakulangan sa pera o kagamitan.
Ayon kay Cebu Governor Pam Baricuatro, ang ganitong mga kilos ay sumasalamin sa tunay na pagkatao ng mga Bisaya na mapagpasalamat, maawain, at matulungin.
“Ito ang puso ng mga Bisaya — marunong tumanaw ng utang na loob at handang tumulong kahit kaunti lang ang mayroon,” ani Baricuatro.
Hinimok ng gobernador ang lahat na ipagpatuloy ang ganitong diwa ng pagtutulungan at pagkakaisa upang maibalik ang saya at pag-asa sa bawat tahanan.
“Sa panahon ng pagsubok, ang kabutihan pa rin ang pinakamagandang sagot,” dagdag ni Baricuatro. (LIMUEL TOLENTINO)


