Umikot sa agham, teknolohiya, at inobasyon ang pagdiriwang ng Department of Science and Technology (DOST) Region 10 ng 2025 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) na ginanap noong Oktubre 1–3 sa Bayfront Arena, Oroquieta City.
Pinangunahan ng mga opisyal mula sa DOST System, lokal na pamahalaan, akademya, at iba pang partner institutions ang tatlong araw na pagtitipon na nagbigay-diin sa mga makabagong teknolohiya, pananaliksik, at programang nagtataguyod ng sustainability at inclusive growth.
Dumalo sa pagbubukas sina DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr., DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang, DOST-Northern Mindanao Regional Director Engr. Romela N. Ratilla, Oroquieta City Mayor Hon. Lemuel Meyrick M. Acosta, at Misamis Occidental Governor Atty. Henry S. Oaminal, kasama ang iba pang opisyal at kinatawan ng mga institusyon.
Sa kanyang keynote speech, binigyang-diin ni Secretary Solidum na dapat masiguro na walang komunidad ang maiiwan sa paglalakbay tungo sa smart at sustainable development. “Ang layunin ay sama-samang makatawid ang bawat lungsod, bayan, at probinsya sa finish line ng sustainable development goals,” ani Solidum.
Para kay Usec. Mabborang, ang sustainability ay hindi lamang buzzword kundi aktuwal nang isinasabuhay sa mga pamayanan. Ipinahayag naman ni Mayor Acosta na isang malaking karangalan para sa Oroquieta City ang maging host ng RSTW, kasabay ng kanilang mga hakbang patungo sa pagiging smart city. Idinagdag ni RD Ratilla na ang Bayfront Arena ay magsisilbi hindi lang bilang venue ng exhibits kundi bilang lugar ng talakayan, networking, at pagkilala sa mga natatanging kontribusyon sa agham.
Samantala, sinabi ni Gov. Oaminal na ang pagtitipon ay patunay ng kolektibong pangako tungo sa isang inclusive at technologically advanced na kinabukasan.
Kabilang sa mga tampok na aktibidad ang turnover ng DOST Research and Development Agenda sa Northwestern Mindanao State College of Science and Technology at La Salle University – Ozamiz City, at ang turnover ng pondo para sa pagtatayo ng 21st Century Learning Environment Model Classroom sa Misamis Occidental Science and Technology High School.
Naging tampok din sa tatlong araw na RSTW ang iba’t ibang fora, exhibits, at recognition ceremonies na nagpakita kung paano patuloy na binabago ng agham, teknolohiya, at inobasyon ang mga komunidad tungo sa mas matalino at mas sustainable na Northern Mindanao. (MINA PADERNA)
