Binanatan ng pitong malalaking transport group na tinaguriang Magnificent 7 laban sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay ng umano’y palpak na pagpapatupad ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Sa kanilang sulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., iginiit ng mga lider ng transport groups na tila nangangapa sa dilim at walang malasakit ang mga opisyal na nagpapatakbo ng programa.
“Pinag-uusapan natin ang pagbabago sa PTMP, pero ang bulok na pamamaraan sa LTFRB at DOTr ay pareho pa rin — mabagal, walang time line, kulang sa dialogue, at para bang may pinoprotektahan na tao,” saad ng grupo.
Binira rin nila ang kawalan ng malinaw na direksyon sa route survey na ilang dekada nang pinagdedebatehan pero wala pa ring resulta.
Anila, nalulugi na ang mga tsuper at operator sa patuloy na taas-presyo ng krudo, pero walang agarang tugon mula sa gobyerno.
“Kami po ay pagod na sa kakasuporta na wala namang resulta. Paano na naming maaahon sa kahirapan ang aming mga miyembro?” giit ng Magnificent 7.
Kabilang din sa kanilang binatikos ang paglulunsad ng Love Bus sa Valenzuela City, kung saan pinaboran umano ang isang transport group nang hindi man lang isinama ang iba. Para sa kanila, malinaw itong indikasyon ng maling pamamalakad sa PTMP.
Nilagdaan ang sulat ng mga pangunahing lider ng transportasyon: Roberto “Obet” Martin (Pasang Masda), Orlando Marquez (LTOP), Melencio “Boy” Vargas (ALTODAP), Zaldy Ping-ay (Stop-and-Go), Deo Sotto (FETODAP), Marilyn Ramos (BUsina), at Liberty de Luna (ACTO).
Nanawagan ang grupo kay Pangulong Marcos na magpatupad ng malawakang revamp sa lahat ng Regional Directors ng land transportation-related agencies at mag-appoint ng maaasahang lider na may integridad at matinding background sa transportasyon para mamuno sa PTMP.
“Mahal na Pangulo, naniniwala po kami sa inyo at sa inyong malasakit sa ordinaryong Pilipino. Ngunit panahon na para tanggalin ang mga humihila at bumabagal sa inyo. Sa bandang huli, ang mga taong ito ay makakasama sa inyo at sa bansa,” pagtatapos ng Magnificent 7. (ART TORRES)
